SAINTS OF JANUARY: SAN ANDRES BESSETTE


ENERO 6



SAN ANDRES BESSETTE,
NAMANATA SA DIYOS (RELIGIOUS BROTHER)

A. KUWENTO NG BUHAY

Maging ang mga lalaki ay nanamanata rin ng kanilang buong buhay sa Diyos (religious priest o religious brother). Ibig sabihin nito, sila ay nag-aalay ng sarili, bilang walang asawa o pamilya, upang maglingkod sa Panginoon sa pagsapi sa isang religious order o religious congregation.

Ganyan ang buhay ni San Andres Bessette na isa namang Canadian. Ipinanganak si Andres noong 1845 bilang ika-8 sa 12 magkakapatid.  Ang pangalang niya sa binyag ay Alfred. Naulila siya noong siya ay 12 taong gulang at napilitang magtrabaho ng ibat-ibang uri subalit hindi siya naging matagumpay sa mga iyon. Mahina ang kalusugan ni Andres at dahil dito ay palagi siyang absent sa paaralan. Hindi siya naging magaling bumasa at sumulat at naging masakitin sa buo niyang buhay. 

15 taong gulang siya nang pumasok sa religious congregation na tinatawag na Congregation of the Holy Cross bilang isang brother, hindi upang maging pari. Muntik na siyang hindi matanggap bilang ganap na brother pero nakiusap noon ang obispo ng Montreal para sa kanyang religious profession (pamamanata) upang maging ganap na bahagi ng religious congregation na ito.

 Napaka-simple ng mga gawaing ibinigay sa kanya ng kanyang congregation. Naging taga-bantay siya ng pintuan ng College of Notre Dame sa Montreal. Naging dyanitor, infirmarian (tagapag-alaga ng maysakit na mga kasamahan niya), barbero, hardinero, at tagasindi ng ilaw pagdating ng gabi.  40 taon niya itong ginampanan na may kababaang-loob at katapatan.

May isang malakas na debosyon sa puso ni San Andres. Mahal na mahal niya si San Jose, ang ama-amahan ng ating  Panginoong Hesukristo at asawa ng Mahal na Birheng Maria.  Ibinahagi niya ang debosyong ito sa maraming tao na natulungan naman ni San Jose sa kanilang mga kahilingan. Si San Jose ay talagang isang makapangyarihang tagapagdasal natin sa Diyos lalo na sa mga pangangailangan ng araw-araw na kabuhayan.

Dahil kay San Andres, isang maliit na bisita o kapilya ang naitayo sa karangalan ni San Jose.  Nang lumaon, naging shrine o dambana ito at ngayon nga ay isa na itong minor basilica na dinadayo ng mga deboto mula sa buong daigdig.  Maaaring ito na ang pinaka-pangunahing dambana para sa debosyon kay San Jose sa buong mundo.

Naging full-time na tagapaglingkod si San Andres sa shrine ni San Jose kung saan napakaraming tao din ang lumapit sa kanya upang humingi ng kanyang dasal para sa kagalingan sa karamdaman at para makipag-usap sa kanya tungkol sa kanilang mga problema at humingi ng payo sa kanilang buhay-pananampalataya. Halos 8 hanggang 10 oras ang ginugol niya araw-araw para harapin ang kanyang mga panauhin. Taun-taon ay tumatanggap siya ng halos 80,000 na liham ng mga taong nais makipag-ugnayan sa kanya.

Sobra ang kababaang-loob ni San Andres. Sabi niya: “Ako ay isang mangmang lamang. Kung mayroon pang mas mangmang sa akin, tiyak na kukunin siya ng Diyos upang maging kahalili ko.” At kapag may gumaling dahil sa kanyang panalangin sinasabi niya: “Si San Jose ang nagpagaling sa kanya. Ako ay alagang aso lamang ni San Jose.”

Namatay si San Andres Bessette sa gulang na 91, na isang simpleng lingkod ng Diyos noong Enero 6, 1937 at halos isang milyong tao ang nagpunta sa kanyang burol at libing upang parangalan siya. Libo-libong mga tao ang kumilala na gumaling sila sa karamdaman dahil sa panalangin ni San Andres.


B. HAMON SA BUHAY


Tahimik, simple at maliit na tao lamang si San Andres Bessette pero ginamit siya ng Panginoon upang maging tulay sa debosyon kay San Jose at upang akitin sa Diyos ang maraming tao.  Hindi kailangang maging sikat, mayaman o makapangyarihan tayo para maging kasangkapan ng Diyos. hilingin natin sa Panginoon na maging simple ang ating puso at kaluluwa tulad ni San Andres Bessette.

Ngayong Bagong Taon, turuan nawa tayo ni San Andres na maging tunay ng mga anak ni San Jose.

K. KATAGA NG BUHAY

Mateo 1:20-21
Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.
 
 (from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos) 
 
#ourparish priest 2023

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS