ANG SUSUNOD NA SANTO PAPA?
Matagal nang bulung-bulungan: sino nga kaya ang magiging kahalili ni Pope Francis bilang pinuno ng Simbahang Katoliko sa buong daigdig? Saang lupalop ng mundo kaya siya manggagaling?
Malakas pa naman si Pope Francis at nais natin ang kanyang mabuting kalusugan at kapakanan, subalit alam din natin umuusad na siya sa taon ng buhay kaya hindi masamang magtanong: Sino kaya ang maaaring humalili sa kanya?
Kamamatay lamang ni Pope Emeritus Benedict XVI noong huling araw ng 2022. At dahil nagbitiw siya sa puwesto, walang naganap na halalan ng Santo Papa dahil nakaupo pa nga si Pope Francis.
Ang maaaring maging Santo Papa ay kinakailangang isang lalaki at binyagang Katoliko. Karaniwang nagmumula ito sa hanay ng mga Kardinal sa buong daigdig na siya ring nakikiisa sa halalan na tinatawag na conclave. Tanging ang mga Kardinal na wala pang 80 taong gulang ang maaaring maghalal ng bagong Santo Papa. Sa nakaraang ilang daang taon, isa sa mga kasapi ng grupong ito lamang ang naluklok sa posisyon.
Ayon sa ilang mga survey ng isang website ang mga lumulutang na pangalan ng posibleng papabile (maaaring kandidato sa pagka-Santo Papa) ay ang mga sumusunod na Kardinal at ang mga pangalan ay walang sinusunod na anumang natatanging ayos:
Card. Pietro Parolin
Bansa: Italya
Kapanganakan: 1955
Lakas: mataas ang posisyon sa Vatican, malakas ang impluwensya sa ibang Kardinal
Kahinaan: walang karanasang pastoral, kundi administatibo at diplomatiko lamang, masyadong bata pa din, kinatatakutan daw ng iba
Card. Marc Ouellet
Bansa: Canada
Kapanganakan: 1944
Lakas: marami daw bumoto sa kanya noong conclave ng 2013, may karanasang pastoral at administratibo sa Roma.
Kahinaan: hindi malakas ang karisma, medyo may edad na
Card. Robert Sarah
Bansa: Guinea
Kapanganakan: 1945
Lakas: siguradong konserbatibo
Kahinaan: ang pagiging malinaw na konserbatibo
Card. Óscar Rodríguez Maradiaga
Bansa: Honduras
Kapanganakan: 1942
Lakas: matalino at umaangat ang pangalan at impluwensya
Kahinaan: ambisyoso daw, masyadong tiwala sa sariling pamamahala
Card. Christoph Schönborn
Bansa: Austria
Kapanganakan: 1945
Lakas: nasa gitnang posisyon sa usaping pulitiko at relihyoso
Kahinaan: na-mungkahi (nominate) na dati pero hindi nanalo, isa na namang European
Card. Matteo Zuppi
Bansa: Italy
Kapanganakan: 1955
Lakas: progresibo, mabuting pari, mahal sa Italya, pinuno ng mga obispong Italyano
Kahinaan: masyadong bata, hindi masyadong kilala, kaunti pa ang nararating
Card. Peter Turkson
Bansa: Ghana
Kapanganakan: 1948
Lakas: malakas sa ugnayan sa ibang mga relihyon, pinuno ng sangay sa pag-unlad ng mga tao
Kahinaan: handa na ba sa isang Santo Papa na mula sa Africa?
Card. Luis Antonio Tagle
Bansa: Philippines
Kapanganakan: 1957
Lakas: magilas, mula sa papalakas na kontinente ng Asya, kahanay sa mga adhikain ng kasalukuyang Santo Papa, malakas sa pulitika
Kahinaan: masyadong bata, ambisyoso daw
Inalis bilang president ng Caritas Internationalis noong 2022 subalit marahil dahil may ibang minamataang posisyon para sa kanya si Pope Francis. Isa siya sa tagapamahala ng sangay sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa buong mundo. Kilala sa katalinuhan at mula sa Pilipinas na isang malakas na bansang Katoliko sa Asya. Ang Asya ang pag-asa ng simbahan ngayon at ito ang siyang kontinente kung saan isinilang ang Panginoong Hesukristo. Nag-aral sa Amerika, may dugong Chinese at naging arsobispo ng Maynila, maraming maaaring koneksyong mabuo si Card. Tagle. Dahil tila paborito siya ni Pope Francis, asahan na din na maraming mga naiinggit sa kanyang mga narating na.
Ang paghalal sa Santo Papa ay kalimitang nakakagulat. Ang mga paborito ng masa ay hindi nakakasumpong ng kapalaran. Ang tanging sigurado ay ang magiging susunod na Santo Papa ay magiging ika-267 sa hanay; ang una siyempre ay si San Pedro Apostol.
Ang talagang nangunguna at tila may pag-asang maituring na mga papabile hanggang sa mga panahong ito ay sina Cardinal Marc Ouellet at Oscar Rodriguez Maradiaga mula sa kontinente ng America, sina Parolin, Schonborn at Zuppi ng Europa, si Turkson ng Africa, at si Tagle ng Asya.
Reference:
https://italystart.com/who-will-be-the-next-pope/ (salamat!)
#ourparishpriest 2023
Comments