SAINTS OF JANUARY: SAN RAYMUNDO DE PENYAFORT
SAN RAYMUNDO DE
PENYAFORT (ST. RAYMOND), PARI
A. KUWENTO NG BUHAY
Tubong Penyafort, na malapit sa Barcelona, Spain, si San
Raymundo ay ipinanganak noong 1175. Una siyang nag-aral sa Barcelona pero pagkaraan ng ilang panahon ay nag-aral na naman siya
sa Bologna, Italy kung saan hinangaan siya bilang isang mahusay na propesor ng canon law (ang batas na sinusunod sa pagpapalakad ng simbahang Katoliko).
Naging paring diocesano (mga paring hindi kasapi sa mga religious order o religious congregation kundi nasa ilalim ng obispo
ng diocese) siya sa Barcelona subalit nang makilala niya ang
bagong tatag na grupong tinatawag na Order
of Preachers (o Dominicans), siya
ay nahikayat na maging kasapi nito noong 1218.
Naging ikatlong Master
General siya ng Order of Preachers
(ang Master General ang pangkalahatang
pinuno ng Dominicans sa buong mundo).
Ang dalawang nauna sa kanya sa posisyong ito ay sina Santo Domingo de Guzman at
si Jordan ng Saxony. Matapos
niyang pamunuan nang may angking karunungan ang mga Dominicans sa loob nang 2 taon, siya ay nagbitiw sa tungkulin at
bumalik sa Spain.
Bilang isang bihasa sa batas, si San Raymundo ay naging
kilalang eksperto sa parehong canon law
at civil law. Nagsulat siya ng isang
koleksyon ng mga batas na hanggang ngayon ay ginagamit pa sa simbahan lalo na
sa tama at mabungang pagsasagawa ng Sakramento ng Kumpisal o Pakikipagkasundo.
Sa nalalabing panahon ng kanyang buhay, ginugol ni San
Raymundo ang kanyang oras para sa pagiging isang gabay ng mga kaluluwa sa
kumpisal at sa pagpapalago ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa mga Hudyo at
mga Muslim. Nag-alay din siya ng panahon para sa paghubog ng mga pari. Para sa mga misyonero, sinabi niyang
dapat matutunan ang Arabic at
mag-aral ng Koran upang madaling makipag-talastasan sa mga Muslim.
Masasabi rin na isa siyang masipag na tagapagtaguyod ng
paglaya ng mga alipin dahil tumulong siya sa pagsulat ng gabay ng buhay ng mga Mercederians (isang religious congregation na
nakatalaga sa pagpapalaya ng mga Kristiyanong bihag ng mga Muslim sa North Africa.
Halos mag-iisang daan taon na si San Raymundo nang siya ay
bawian ng buhay sa Barcelona noong
Enero 6, 1275.
B. HAMON SA BUHAY
Maraming narating at nagawa si San Raymundo subalit isang
makabagong gamit ng kanyang aral at halimbawa ang ating pakikipag-ugnayan
ngayon sa mga hindi Katoliko at mga hindi Kristiyano. Kailangang-kailangan ito
sa ating panahon. Mayroon ka bang mga kaibigan o kakilala na hindi Katoliko o
hindi Kristiyano? Iginagalang mo
ba sila bilang mga kapatid sa Diyos at nakikipag-ugnayan ka ba nang maayos sa
kanila?
Ngayong Bagong Taon, lulad ni San Raymundo, maging magaling
nawa tayong instrumento ng dialogue
upang magkaroon ng pagkakasundo.
K. KATAGA NG BUHAY
JN 10;10
Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw,
pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at
lubos na magkaroon nito.
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)