SAINTS OF JANUARY: SAN SEBASTIAN AT SAN FABIAN
SAN SEBASTIAN, MARTIR
AT SAN FABIAN, SANTO
PAPA AT MARTIR
A. KUWENTO NG BUHAY
Si San Sebastian ay isa sa mga patron (co-patron) ng paborito kong parokya sa Pulong Buhangin, Sta. Maria,
Bulacan (Our Lady of Mt. Carmel
Parish), kasama ng Mahal na Birheng del
Carmen at ni San Roque. Naaalala ko ang kanyang imahen na nagpapakita sa kanya
bilang isang makisig na kabataang lalaki na nakagapos sa poste at punong-puno
ng mga sibat sa kanyang katawang duguan.
Isa sa mga unang naging sikat na santo at naging makulay ang
pagsasalaysay ng buhay ang kay San Sebastian, kaya madali siyang nakilala at
pinagpugayan ng mga unang Kristiyano.
Ayon kay San Ambrosio, na obispo ng Milan, Italy at nagbinyag
kay San Agustin, si San Sebastian ay tubong Milan
at ang kanyang mga magulang ay mga Kristiyano. Isa siyang ulirang sundalo.
Hindi niya nais maging isang sundalo subalit napilitan siya dahil napili siyang
maglingkod sa bayan.
Naging kapitan ng mga sundalo si San Sebastian sa Roma at
malaking tulong ang nagawa niya upang saklolohan ang mga Kristiyanong
pinag-uusig noong panahon ni Emperador Diocletian.
May mga nasulat na kuwento tungkol sa kanyang pag-alalay sa mga martir na
lakasan ang kanilang loob at magsumikap na maging tapat hanggang kamatayan.
Sa wakas, dumating na ang panahon na siya mismo ay dapat
ding magpatunay ng kanyang tapang at tatag sa oras ng pag-uusig. Inutusan ni Diocletian ang mga sundalo na patayin si
Sebastian sa pamamagitan ng mga sibat. Iniwanan nila si Sebastian na akala nila
ay patay na. Pero isang Kristiyanong babaeng ang pangalan ay Irene ang nakatagpo sa kanya at iniuwi
siya sa bahay upang alagaan at pagalingin.
Nang gumaling siya, si Sebastian ay muling nagpunta sa
emperador upang ipahayag ang kanyang pagtutol sa marahas na pag-uusig laban sa
mga Kristiyano. Muli, inutusan ng emperador ang mga sundalo na bugbugin
hanggang mamatay itong si Sebastian. Itinapon sa isang kanal ang kanyang
katawan. Maaaring namatay siya noong taong 288.
Nagpakita si San Sebastian sa isang babaeng ang pangalan ay Lucina upang hilingin na kunin ang
kanyang katawan at ilibing nang maayos sa isang puntod na ngayon ay nasa
basilica si San Sebastian sa Roma. Mula pa noong una, dito dinadalaw ng mga
deboto ang libingan ni San Sebastian sa Appian
Way ad Catacumbas sa Roma.
Naging patron si San Sebastian laban sa salot o plague, dahil sa kanya humingi ng tulong
ang mga tao at tumigil ang salot noong taong 680.
Si San Fabian naman ay hindi kasing sikat ni San Sebastian
subalit isa rin siyang magiting na martir at dating obispo ng Roma (Santo Papa)
noong taong 236. Siya ay
nagdusa noong pagtuligsa sa simbahan sa ilalim ni Emperador Decius.
Sinasabing nahirang bilang Santo Papa si Fabian dahil sa
isang tanda na galing sa langit.
Ayon sa kuwento ni Eusebio, may isang kalapating lumitaw at dumapo sa
ulo ni Fabian habang pumipili ng bagong Santo Papa ang mga tao sa Roma. Noong panahong iyon, si Fabian ay hindi
man lamang isang pari o obispo. Siya ang unang layko o layman na nahirang bilang Santo Papa. Malamang na pagkatapos ng
paghirang sa kanya, saka pa lamang siya inordenahang pari at obispo.
Ang alam nating mga detalye sa buhay ni San Fabian ay mula
sa panulat ni San Cipriano. Tinamasa ni San Fabian ang korona ng pagiging
martir noong taong 250. Inilibing siya sa sementeryo ni San Calisto sa Roma. May
lapida ang kanyang puntod na ang isinasaad ay ganito: “si Fabian, obispo at
martir.”
Noong una pa man ay sabay na ipinagdiriwang ang dalawang
martir na ito bagamat ngayon ay hiwalay na ang paggunita sa kanila sa liturhiya.
Pareho din silang nasa litanya ng mga santo.
B. HAMON SA BUHAY
Sa buhay nina San Sebastian at San Fabian, mababakas natin
ang kanilang lakas ng loob at katapangan na panindigan ang kanilang
pananampalataya kay Hesus. Kapwa sila namatay para sa kanilang pananalig sa
Diyos. Bagamat hindi tayo lahat maaaring maging martir tulad nila, sikapin
nating maging buo ang ating loob sa pagpapahayag ng ating pananalig kay Kristo
sa mga simpleng ginagawa natin sa bawat araw.
Ang mga martir na Sebastian at Fabian nawa ang magbigay
ligaya sa atin sa harap ng mga hamon ng pang-araw-araw na buhay.
K. KATAGA NG BUHAY
JN 10:11
Ako ang siyang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay
alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol.
(mula sa aklat na "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)