SAINTS OF JANUARY: SAN PABLO APOSTOL
ENERO 25
A. KUWENTO NG BUHAY
Si San Pablo Apostol, bagamat hindi kasama sa labindalawang
tinawag ng Panginoong Hesukristo sa kanyang pangangaral sa Galilea, ay
itinuturing na isa sa mga pinakadakilang apostol. Ito ay dahil sa kanyang
pagpupunyagi na ikalat ang Mabuting Balita sa mga Hentil sa lahat ng dako ng
mundo na kanyang kayang marating.
Subalit hindi nagsimula si San Pablo na kasa-kasama ng mga
sumasampalataya kay Kristo.
Siya mismo ang nagsasabi ng kanyang kasaysayang personal sa
kanyang mga sulat. Sa Sulat ni San
Pablo sa mga taga Galacia (1: 11-24), inamin niya kung paanong nagsimula siya
bilang isa sa mga namumuhi at tumutuligsa sa mga unang Kristiyano. Sa Gawa ng
mga Apostol, si San Pablo na noon ay tinatawag pang Saulo (ang kanyang pangalan
bago siya sumunod kay Kristo), ay isang saksi sa pagpatay kay San Estebang
diyakono na pinaslang sa pamamagitan ng pagpukol ng mga bato.
Naging mapusok si Saulo noon sa paghahanap at pagdakip sa mga
unang Kristiyano upang ikulong at parusahan dahil sa inaakala niyang maling
paniniwala ng mga ito kay Kristo.
Nagbago ang lahat ng isang malaking himala, malamang ang
pinaka-malaking himala, sa batambata at nagsisimula pa lamang na simbahan, ang naganap
sa pagbabagong-buhay ni Saulo.
Nagpakita sa kanya sa daan patungong Damasco ang Panginoong
Hesukristo upang akayin siya sa pagsunod sa kanyang handog na bagong buhay at
gawin siyang kasangkapan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Si Saulo ay naging si
Pablo, na ngayon ay punong-puno ng pananabik na maging alipin ni Kristo at
alipin ng kanyang mga kapatid sa simbahan.
Ang doktrina ng Katawang Mistiko ni Kristo (na ang simbahan
ay katawan ni Kristo; Siya ang Ulo at tayo ang mga bahagi ng katawan) ay nabuo
sa isip at puso ni San Pablo noong magpakita ang Panginoon sa kanya at tanungin
siya: “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” (Gawa 9:4b) Ang hinahabol ni Pablo noon ay ang mga
Kristiyano subalit iniugnay ng Panginoong Hesus ang kanyang sarili sa kapalaran
at buhay ng kanyang mga alagad.
Hindi maaaring paghiwalayin si Hesus at ang sinumang nagmamahal sa
kanya. Iisang katawan na sila
ngayon dahil sa Espiritu Santong nagbubuklod sa Panginoon at sa mga Kristiyano.
B. HAMON SA BUHAY
Maglaan ng panahon para basahin ang kuwento ng buhay ni San
Pablo Apostol. Basahin sa Galacia 1: 11-24 o kaya ay sa Gawa ng mga Apostol
9:1-22. Maaari ding paghambingin o
ikumpara ang dalawang bersyon na ito ng kanyang karanasan.
Tulad ni San Pablo, tayo nawa ay makaranas ng tunay na
pagbabago ng ating puso at isip, ng ating ugali at gawi.
K. KATAGA NG BUHAY
Gal 2:20
Hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa
akin. At kung buhay man ako sa laman, nabubuhay ako dahil sa pananampalataya sa
Anak ng Diyos, na nagmahal sa akin at nagbigay ng kanyang sarili para sa akin.
(mula sa "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)