SAINTS OF JANUARY: SANTO TOMAS AQUINO
ENERO 28
A. KUWENTO NG BUHAY
Sino sa mga nag-aral sa Catholic school ang hindi
nakakakilala kay Santo Tomas Aquino? Kahit sa ating bansa ay bantog ang kanyang
ala-ala dahil sa University of Santo Tomas na siyang pinakamatandang pamantasan
sa buong Far East, ang pamantasan na ipinangalan sa kanya.
Si Santo Tomas Aquino ay mula sa mayamang Italyanong
pamilya, anak siya ng Count of Aquino (ang “count” ay isang marangal na
posisyon sa lipunan noon) at ng maybahay nitong may lahing German. Noong 1225,
ipinanganak siya sa palasyo ng pamilya nila sa Roccasecca.
Una siyang pinag-aral ng mga magulang sa malapit na
monasteryo ng Monte Cassino. Ang monasteryong ito ang itinatag ni San Benito
(Saint Benedict) para sa kanyang mga monghe, ang mga Benedictines. Dito sa Monte Cassino nakalibing si San
Benito at ang kanyang ka-kambal na si Santa Scholastica.
Pagkatapos ay nag-aral si Tomas sa University of Naples kung
saan nakahalubilo niya ang mga miyembro ng Order of Preachers o Dominicans
(religious order na itinatag ni Santo Domingo de Guzman). Nahikayat siyang
maging isang paring Dominican at sumapi sa grupo noong siya ay 18 taong gulang.
Hindi natuwa sa pasyang ito ng kanyang ama at sa halip ay
tinangka nitong hadlangan ang balak ni Tomas. Sobra ang pagtutol ng kanyang ama
na ipina-kidnap pa niya ang sariling anak at ikinulong sa tore ng palasyo nang
15 buwan upang makalimutan ang pagiging paring Dominican.
Sinasabing minsan ay naisip ng ama ni Tomas na siya ay
padalhan ng isang babaeng aakit sa anak upang mawala sa isip nito ang
pagpapari. Subalit nang pumasok ang babae sa kuwarto ni Tomas, kumuha siya ng
isang sulo na may apoy at hinabol papalabas ang babae. Tumakbo papalayo ang
babae sa takot na siya ay masunog. Sa gayon, ipinakita ni Tomas na walang
tuksong magiging balakid sa kanyang pangarap maglingkod sa Panginoon.
Tinulungan si Tomas ng kanyang mga kapatid na babae na makatakas
sa tore at naging kasapi siya ng Dominican Order. Nag-aral siya sa Paris,
France at sa Cologne, Germany kung saan naging guro niya ang Dakilang San
Alberto na sikat at mahusay na propesor na Dominican din. Bumalik siya sa Paris
upang kamtin ang kanyang Master of Sacred Theology sa gulang na 31. Kasama ni San Buenaventura,
ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga prayle (mga kasapi ng religious order o
congregation) na magturo sa pamantasan sa mariing pagtutol naman ng mga paring
diyosesano.
Sa kanyang pag-aaral, si Santo Tomas ay napansing laging
tahimik lamang at hindi palasalita tulad ng iba. Dahil medyo malaki din ang
kanyang pangangatawan at dahil nga tahimik siya, nabansagan siya na “the Dumb
Ox” o tila isang toro na pipi.
Hindi alam ng mga kaklase ni Santo Tomas na darating ang panahon na ang
akala nilang pipi ay magiging magiting na guro na pakikinggan at susundan ng
maraming mag-aaral mula noon hanggang ngayon.
Maraming isinulat si San Tomas Aquino at dito ay nagningning
ang kanyang mga aral sa pilosopiya at teolohiya. Nandiyan ang Summa contra Gentiles, sa kahilingan ni
San Raymundo ng Penyafort, bilang isang gabay para sa mga misyonerong pupunta
sa lupain ng mga Muslim. Nandiyan din ang Summa
Theologica na pinakabantog sa kanyang mga aklat; ito ay tungkol sa mga
katanungang pang-teolohiya o tungkol sa Diyos, at pinag-aaralan pa ito hanggang
ngayon sa mga seminaryo at paaralang Katoliko. Si Santo Tomas din ang sinasabing may-akda ng awiting “Tantum Ergo” na ating inaawit tuwing may
Banal na Oras o pagsamba sa Banal na Eukaristiya.
Sa tugatog ng kanyang katanyagan bilang propesor, at
manunulat, bigla na lamang tumigil ng pagtuturo at pagsusulat si Santo Tomas. Minsan
sa kanyang pagmimisa, nakadama siya ng isang karanasang kakaiba at nag-udyok sa
kanya upang manahimik na.
Bilang pagsunod sa Santo Papa, naglakbay patungong Lyons,
France si Santo Tomas subalit namatay siya sa daan sa monasteryo ng mga
Cistercians sa Fossanova, Italy noong March 7, 1274.
Ngayong araw ang paggunita sa paglilipat sa kanyang bangkay
sa Toulouse, France noong 1369.
Itinanghal na pantas ng simbahan si Santo Tomas at binigyan
pa ng bansag na “the Angelic Doctor”
o mala-angel na pantas dahil sa mataas at malinaw na karunungan at katuruan
niya at dahil sa kanyang pagkakaroon ng isang busilak at malinis ang puso.
B. HAMON SA BUHAY
Narito ang isang santo na nagpapatunay na ang karunungan at
kaalaman ay maaaring magdala sa atin sa lalong malalim na kabanalan, sa halip
na sa kayabangan at pagdududa sa Diyos.
Huwag tayong tumigil sa pag-aaral ng ating pananampalataya at sa
pagtuklas sa mga kaalaman sa ating paligid na maaari pang magpayabong sa ating
buhay ngayon.
Sa tulong ni Santo Tomas, asamin nawa natin na marating ang
tunay na karunungan na magbibigay liwanag sa ating buhay.
K. KATAGA NG BUHAY
Mga Salmo 1:1-2
Napakasaya ng taong di sumusunod sa payo ng masama at di
lumalakad sa daan ng makasalanan o umuupong kasama ng mga mapangkuta, kundi
batas ng Panginoon ang kanyang kinalulugdan na araw-gabing pinagninilayan.
(mula sa "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)