SAINTS OF JANUARY: SAN ANTONIO, ABAD
SAN ANTONIO, ABAD
(ABBOT)
A. KUWENTO NG BUHAY
Nang una kong makita ang isang imahen ni San Antonio Abad sa
parokya ng aking kaibigang si Fr. Darwin Calderon, nagulat ako kasi may kasama
si San Antonio na isang baboy sa kanyang tagiliran. Ano ang kinalaman ng isang
alagang baboy sa buhay ng isang abad o abbot
(ibig sabihin, pinuno ng mga monghe; kinuha sa salitang abba ang kahulugan ay “ama”)? Tuklasin natin maya-maya ang
kaugnayan na iyan.
Ipinanganak si San Antonio, Abad sa Ehipto noong taong
250. Noong 20 taong gulang na
siya, nabasa niya sa Bibliya ang sipi mula sa Mateo: 19:21 na nagsasabing kung
nais maging ganap, ipagbili ang mga ari-arian at ipamigay sa mga dukha, upang
magkaroon ng kayamanan sa langit.
Hindi nag-aksaya ng oras is San Antonio at sinunod niya ng
literal ang mga salita ng Panginoong Hesukristo. Dahil patay na ang kanyang mga magulang, ginamit niya ang
pinagbilhan ng kanyang mga ari-arian para sa pag-aaral ng kanyang kapatid na
babae at ng iba pang mga dalaga o birhen. Iniwan niya ang kanyang kapatid sa
pangangalaga ng mga dalagang ito.
Pagkatapos, niyakap ni San Antonio ang buhay panalangin at
sakripisyo. Dito naranasan niya ang maraming tukso ng katawan at isip at
nakipaglaban din siya sa demonyo na palaging gumagawa ng mga kasindak-sindak na
bagay para siya ay takutin at saktan.
Nanirahan siya sa mga puntod sa sementeryo, na dati ay
pinaniniwalaang tirahan ng demonyo (tingan sa Mk 5: 2-5). Patuloy ang
panggugulo sa kanya ng demonyo at lalo pang kahindik-hindik ang anyo nito
tuwing magpapakita sa kanya at tuwing sasalakayin siya nito na halos mamatay na
sa pagod at hirap si San Antonio. Subalit hindi nila maaaring matalo si San
Antonio dahil sa lakas ng kanyang pananalig kay Kristo at dahil sa nagpapakita
sa kanya ang Panginoon upang bigyan siya ng lakas ng loob.
Maraming mga larawan ang iginuhit upang ipakita kung paano
hinarap ni San Antonio ang mga demonyong gumugulo sa kanyang pag-iisa at
pananalangin. Naging inspirasyon ng maraming artists ang kanyang pakikipagbuno sa mga demonyo kaya naging sikat
ang bahaging ito ng kanyang buhay.
Lalong inisip na San Antonio na lumayo kaya lumipat siya sa
disyerto upang doon ay lalong sugurin niya ang balwarte ng demonyo, dahil
paniniwala din na nasa disyerto ang demonyo. Sa disyerto, lalong nagtagumpay si San Antonio laban sa
kanyang kaaway.
Dahil nakikilala na ang kanyang kabanalan, maraming tao ang
nagnais na sundan ang yapak ni San Antonio, at nagpuntahan sila sa disyerto
upang sundan ang banal na taong ito. Dumami ang nagnais na magsabuhay ng
kanyang halimbawa kaya nakilala siya bilang “Ama ng mga Monghe” at ama ng
monastesismo.
Kung tutuusin hindi naman si San Antonio ang nagpasimula ng
mga monasteryo sa disyerto dahil mas marami pang nauna sa kanya sa pagsunod sa
ganitong uri ng buhay. Pero siya ang unang nagbigay ng matatag na patakaran
para sa isang pamayanan ng mga monghe na nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos na
Maykapal.
Ang buhay ni San Antonio Abad ay nakarating sa atin sa
pamamagitan ng mga sulat ni San Atanasio, na nabanggit na sa aklat na ito
bilang pangunahing kalaban ng maling doktrina ng mga Arians. Kakampi ni San
Atanasio si San Antonio sa pakikipaglaban sa mga Arians tungkol sa tamang doktrina ng simbahan.
Nang dumating ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa panahon ni
Emperador Diocletian, ninais ni San
Antonio na tumugon sa tawag ng pagiging martir. Handa siyang mamatay kasama ng
ibang mga Kristiyanong pinahihirapan dahil sa pananalig kay Kristo. Pumunta siya upang makiisa sa kanila
subalit sa kabutihang-palad, hindi siya ginalaw ng mga kaaway ng mga Kristiyano
kaya bumalik siya sa disyerto.
Pero bakit nga ba may baboy na katabi si San Antonio sa
kanyang mga larawan at imahen? Si
San Antonio ay naging bantog bilang isang mapaghimalang patron na nagpapagaling
ng mga sakit sa balat o skin disease. Noong panahon niya, sinasabing gumamit siya ng taba ng baboy
upang ipahid na parang langis sa mga sugat ng mga maysakit na lumalapit sa
kanya. Ito ang dahilan at may
katabi siyang baboy.
Mayroon ding
nagpapalagay na si San Antonio daw ay dating tagapag-alaga ng mga baboy,
siguro bahagi ito ng kanyang dating kayamanan. Kaya daw siya ngayon ang patron
ng mga may-ari ng piggery farms. Pero ang huling paliwanag na ito ay hindi nakabatay sa tunay
na kasaysayan ni San Antonio.
Ayon kay Fr. Rey Reyes, maaari ding ikahulugan na ang baboy
ay simbolo lamang ng mga pakikipaglaban ni San Antonio sa demonyo, sa
kamunduhan at sa kasalanan.
Pumasok sa langit na tahanan si San Antonio noong taong 356
sa edad na 105.
B. HAMON SA BUHAY
Lutang na lutang ang pagiging masigasig na sundalo nitong si
San Antonio, Abad laban sa mga tukso ng demonyo. Sa panahon natin parang hindi na tayo masyadong mulat na
totoong may demonyo na nananakit ng ating kaluluwa at umaakit ng ating puso
tungo sa kasalanan at kasamaan. Sa tulong ni San Antonio, magdasal tayong
malabanan din natin ang mga tukso ng demonyo na nagnanais na ilayo tayo sa
pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo.
Maging marunong sana tayo, tulad ni San Antonio, na
kilatisin ang mga panloloko at kasinungalingan ng demonyo sa ating kapaligiran.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 19:21
At sinabi ni Hesus: Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t
ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon
ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.
(mula sa "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)