SAINTS OF JANUARY: SAN HILARIO
SAN HILARIO, OBISPO
AT PANTAS NG SIMBAHAN
A. KUWENTO NG BUHAY
Unang nakakita ng liwanag sa mundo si San Hilario noong
isilang siya sa taong 315, sa bansang France.
Nag-asawa at nagkaroong ng isang anak na babae itong si Hilario. Sa simula siya
ay isang pagano o hindi pa naniniwala kay Kristo. Subalit tinalikuran niya ang
kanyang pagiging pagano at nagpabinyag siya nang mabasa niya ang Bibliya lalo
na ang panimula ng Mabuting Balita ayon kay San Juan.
Sa kanyang pagmamahal sa Bibliya, naging mahusay siyang
tagapaliwanag ng mga Salmo at pati na rin ang Mabuting Balita ayon kay San
Mateo.
Nahirang siyang obispo ng Poitiers, France kahit na
hindi pa siya pari, noong taong 350. Medyo naging mahirap ang kanyang buhay
bilang obispo dahil ipinatapon siya ng kanyang mga kaaway sa malayong lugar.
Bakit nila ito ginawa? Lumalaganap noon sa kanilang bansa ang mga maling aral
ng semi-Arians na nakakuha ng suporta
ng emperador at nilabanan niya nang buong giting ang mga maling turo ng mga
ito.
Tulad ng nabanggit na sa buhay ng ibang mga santong lumaban
sa mga Arians, ang grupong Arian ay naghahasik ng maling turo na
ang Panginoong Hesukristo ay hindi kapantay ng Diyos Ama sa pagka-Diyos. At
hindi ito ang turo ng ating simbahan. Ang aral ng simbahan ay ang pagiging
pantay at iisa sa pagka-Diyos ng Ama at ng kanyang Anak na si Hesus (at ng
Espiritu Santo na pag-ibig nilang dalawa).
Ang tamang aral tungkol sa Banal na Santatlo o Santissima
Trinidad (iisang Diyos sa tatlong Persona; Holy
Trinity sa Ingles) ay batayan ng Kristiyanismo
at ang anumang grupong hindi tumatanggap dito ay hindi din tunay na Kristiyano
sa pananampalataya.
Ang aral tungkol sa Santissima Trinidad ay unang ipinaglaban
nang may ubod-katapangan ni San Atanasio (obispo sa simbahan sa Silangan)
hanggang sa kanyang kamatayan.
Siya rin ay nagdusa ng maraming pagtuligsa ng kanyang mga kaaway dahil
sa kanyang paninindigan sa aral na ito.
Kinilala si San Hilario bilang katumbas ni San Atanasio at ipinahayag
siya bilang isang pantas ng simbahan dahil sa kanyang pagtuturo ng tamang
doktrina. Nagsulat siya ng 12 libro tungkol sa Santissima Trinidad at kinilala
siya bilang isang magaling na theologian. Namatay siya noong taong 367.
B. HAMON SA BUHAY
Nakahahanga ang dedikasyon ni San Hilario sa tamang aral ng
pananampalataya. Bunga ito ng kanyang sariling pag-aaral sa Bibliya at sa
personal na kaugnayan niya sa Diyos. Ginagawa ba natin ang lahat ng ating
makakaya upang maging mulat sa katotohanan na dulot ng ating Panginoong
Hesukristo? Sinisikap mo bang
malaman at maunawaan ang iyong sariling pananampalataya?
Ngayong Bagong Taong ito, maging matatag nawa ang ating
pananalig na hindi tayo pababayaan ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, tulad
ni San Hilario.
K. KATAGA NG BUHAY
JN 21: 16
Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo
ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikawa ang nakaaalam na iniibig
kita.”
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)