MARIA, INA NG DIYOS/ BAGONG TAON A
PINAGPALA NGA!
LK 2: 16-21
Madalas kong wakasan ang text o sulat sa pamamagitan ng: Pagpalain ka nawa ng Diyos! Hindi ko orihinal na ideya ito kundi hinango ko kay St. Mother Teresa ng Calcutta. Sa kanyang pagsusulat, laging panghuli ang pagbating: “God bless you!” Nang tanungin siya tungkol dito, sinabi niya: Kailangan ng lahat ng pagbabasbas! At sino nga ba ang hindi nangangailangan ng pagpapala?
Bawat taon, napapansin natin ang unang pagbasa sa Aklat ng mga Bilang: Nagbibilin ang Diyos sa paring si Aaron na basbasan ang mga tao, punuin sila ng kanyang awa, padaluyin sa kanila ang pagmamahal, at ipangako na makikita nila balang araw ang kanyang mukha. Ito ang pinakamataas, pinakataluktok na pagpapala – ang makita ang mukha ng Diyos. Sa Lumang Tipan, walang nakakita ng mukha ng Diyos at walang nag-akalang makikita nila ito at hindi mamamatay!
Kaypalad ng mga pastol; unang nakapagmasid sa mukha ng Anak ng Diyos, kasunod lamang kay Maria at Jose. Namasdan nila ang mukha ng Diyos sa natutulog na paslit na si Hesus, at naniwala sila sa kanilang puso. Nabasbasan sila. Dati, sila ang mga pastol. Ngayon nakaharap nila ang Mabuting Pastol!
Inalala natin ilang linggo lamang ang hirap na pinagdaanan ni Maria at Jose. Kapwa dumanas ng takot, gulo, at sakit ng kalooban bago ang pagsilang ng Sanggol na Banal. Ngayon, ang takot ay nagbigay daan sa kapayapaan, ang gulo sa kapanatagan, at ang sakit ng kalooban sa paghilom at kagalakan. Wala nang tanong si Jose, at si Maria naman, nagsimulang magnilay ng mga bagay na ito sa kanyang puso.
Ang kilos ni Maria ang susi, ang sikreto, sa pagtanggap ng basbas ng Diyos. Itinago sa puso. Tinanggap nang may kababang-loob. Pinagnilayan ang kahulugan. Ninamnam ang ligaya. Inaruga at pinayabong. At sa huli, tulad ni Maria, ibinahagi sa kapwang nangangailangan ng pagpapala!
Tumatawid tayo sa isa na namang taon ng buhay. Tumatanggap ng basbas ng Diyos. Ang nakaraan ng pagkakamali, suliranin at gulo ay tapos na. Naghahandog ang Panginoon ng bagong pagkakataon, bagong buhay, bagong panimula. Salamat po, Lord, sa maraming biyaya! Tulad ni Maria, matuto tayong tumanggap, magnilay, magnamnam, magpayabong at magbahagi ng pagpapala sa iba. Tulad ni Mother Teresa, matutunan natin nawang sabihin lagi sa kapwa na may paggalang at katapatan: Pagpalain ka ng Panginoon! God bless you!
Manigong Bagong Taon ng Panginoon!
#ourparishpriest 2022
Comments