SAINTS OF JANUARY: SANTA AGNES
ENERO 21
SANTA AGNES, DALAGA
AT MARTIR
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa rin sa mga unang-unang santa ng simbahan itong si Santa
Agnes, na namatay para sa pananampalataya noong 3rd century,
bilang isang dalagitang 12 taong gulang pa lamang. Ang kanyang pagiging sobrang bata upang magbigay patunay sa kanyang
pananampalataya ang isang dahilan ng kanyang mabilis na pagiging tanyag sa mga
unang Kristiyano.
Isa pang katangian ni Santa Agnes ang kanyang pagiging isang
dalaga, may malinis na puso para lamang sa Panginoon na kanyang itinuring na
kabiyak ng puso at tanging mamahalin sa kanyang buhay.
Kahit na katakut-takot na pahirap o torture ang kanyang pinagdaanan, buong puso niya itong hinarap at
buong tapang niya itong pinagwagian. Isa siya sa pinakabantog na santa ng ating
simbahan na binabanggit sa Roman Canon ng Misa (Eucharistic Prayer I).
Sa kapistahan ni Santa Agnes, nag-aalay ng isang bagong
silang ng tupa sa Misa ng Santo Papa sa Roma (ang pangalang Agnes ay galing sa
salitang Latin na agnus, o kordero,
isang maliit na tupa). Ang
balahibo daw ng tupang ito ang gagawing tela para sa “pallium” (isang telang nakasabit sa palibot ng leeg kapag
nagmimisa) ng mga bagong arsobispo sa buong mundo na hinihirang ng Santo Papa
taun-taon.
Malaki ang kontribusyon ni San Ambrosio sa kaalaman natin sa
buhay ng ating munting santa. Ayon
kay San Ambrosio galing sa isang marangal na pamilya ang santa. At kahit bata
si Santa Agnes ay hindi siya umurong sa mga paghihirap na inihanda ng kanyang
mga kaaway para sa kanya. Kung
paanong ang maraming batang babae ay maarte sa kanilang sarili at madaling
umiyak sa maliit na pagsubok, walang takot si Agnes sa pagtahak sa landas ng
kamatayan.
Itinali siya ng mga tanikala na tila isang bilanggong
makatatakas. Nang dalhin siya sa harap ng altar ng mga pagano, idinipa niya ang
kanyang mga braso sa gitna ng apoy kung saan siya ay sinunog pero hindi siya
namatay.
Bukod sa pagsunog sa kanyang katawan, pinugutan ng ulo si
Santa Agnes at ito ang kanyang ikinamatay noong taong 304.
Si San Agustin at ang ibang mga manunulat at pantas ng
simbahan ay naglahad din ng mga kuwento at papuri para kay Santa Agnes, na
nagwagi ng dalawang pagka-martir: bilang dalisay at malinis na birhen at bilang
saksi sa pananampalataya kay Kristo Hesus.
B. HAMON SA BUHAY
Nakagugulat ang buhay ni Santa Agnes dahil sa kanyang
kabataang ubod ng tapang at lakas ng loob. Sana ay maturuan din natin ang mga
bata at mga kabataan na maging tapat sa pagmamahal sa Diyos. Gabayan natin sila
upang matuklasan nila ang dakilang pag-aalay ng puso para kay Hesus.
Tulad ni Santa Agnes, maging matapang nawa tayo sa
pagsasabuhay ng ating pagsunod sa kalooban ng Panginoon.
K. KATAGA NG BUHAY
PS 27:4
Isa lamang ang hiling ko sa Panginoon, ito ang aking
inaasam: ang makapanahan sa bahay ng Panginoon sa lahat ng araw ng aking buhay
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon, at hanapin siya sa kanyang templo.