CARDINAL GAUDENCIO B. ROSALES: MABUTING HALIMBAWA SA PAGLILINGKOD
ANG KADAKILAAN AT KABANALAN NI CARDINAL GAUDENCIO ROSALES
Alam ng noo’y Lipa Archbishop Gaudencio Rosales kung gaano kahirap sumunod sa yapak ni Jaime Cardinal Sin kaya’t hindi agad siya pumayag sa alok na maging kahalili nito. Matapos ang pagdarasal at ang pagsangguni, saka lamang maluwag sa loob na tinanggap niya ang pinakamataas na posisyon sa simbahan ng Pilipinas noong 2003. Dito pa lamang, mababanaag na ang kababaang-loob ng dating lider espirituwal ng simbahan ng Lipa.
Mahal na mahal ng Arsobispo Rosales ang kanyang tinubuang bayan ng Batangas kung saan nagmula siya sa isang pamilyang may pangalan at kinikilala. Matapos mag-aral sa San Jose Seminary, naging ganap na pari noong 1958 ang noo’y kilala bilang si Fr. Gaudencio Rosales. Naglingkod siya bilang isang tagahubog ng seminaryo sa Lipa ng 12 taon. Naging simpleng kura paroko din siya ng isang pinakamaliit at pinakamahirap na parokyo noon.
1974 nang mahirang siyang katuwang na obispo ng Maynila sa ilalim ni Jaime Cardinal Sin at unang nanirahan sa Antipolo shrine. Itinalaga din siyang rector ng archdiocesan seminary ng Maynila. Matapos maging koadyutor na obispo ng Malaybalay hinirang siyang ikalawang obispo nito noong 1984 at doon nakilala siya na tagapagtanggol ng kalikasan. Panahon noon ng matinding hidwaan sa Mindanao sa pagitan ng gobyerno, MNLF at NPA. Doon lumalim ang kanyang pagka-unawa sa kahulugan ng Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo. 1992 naman nang magbalik siya sa tinubuang Batangas bilang isa nang arsobispo.
Nang magretiro ang dakilang Cardinal Jaime Sin, si Archbishop Rosales ang napiling magpatuloy ng pangangalaga sa archdiocese ng Maynila. Kakaibang istilo ng pamamahala ang nakita ng mga tao kay Archbishop Rosales. Lutang na lutang ang kanyang kababaang-loob, ang pagiging malapit sa mga tao lalo na sa mga dukha, ang pag-iwas sa tutok ng media, ang katahimikan sa mga usaping na tahasang pulitikal, at ang natural na kasimplehan ng sariling pamumuhay. Nanibago ang maraming pari at mga layko sa kanyang pamamaraan ng pamumuno. 2006 nang parangalan siya bilang isang Kardinal ng simbahan.
Pinagbuti ng Kardinal ang pagpapalaganap ng Pondo ng Pinoy, isang uri ng kawanggawa na naniniwala sa mumunting kontribusyon ng mga ordinaryong Kristiyano para sa kabutihan ng iba. Ito ay paanyayang ibahagi ang bente singko sentimos araw-araw para sa layuning makatulong sa kapwang naghihirap.
Hindi masasabing walang impluwensya sa gobyerno si Cardinal Gaudencio Rosales. Tinuligsa niya ang personal na pakay ng mga pulitiko. Tumawag pansin siya sa pangangailangan ng kapayapaan at pagkakaisa at sa paggalang ng gobyerno sa mga karapatan ng mga mamamayan. Ipinagtanggol niya ang kakayahan ng mga pari bilang mga maalam at maingat na tagapagdiwang ng kasal laban sa plano ng National Statistics Office na ipasailalim sa kanila ang training sa kasal ng mga pari. Matibay din ang kanyang mga pahayag tungkol sa mga usaping may kinalaman sa moralidad tulad ng aborsyon.
#ourparishpriest 2023
Comments