IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
HINDI NAKALIMUTAN NG DIYOS
MT 4: 12-17
Sa ordinasyon ng isang pari sa isang liblib at mabundok na lugar, sinalubong ng obispo ang mga panauhin nang ganito: “Salamat naman at napunta kayo dito sa lugar na nakalimutan na ng Diyos!” At hindi nakagugulat, dahil isang malaking pagsubok ang tumungo doon. Kung hindi lang mahal ng mga tao ang bagong pari, hindi sila mangangahas na dumayo sa lugar na iyon.
Nakalimutan ng Diyos! Napabayaan ng Diyos! Sino ang magtitiyagang pumunta sa lugar na kaylayo at kayhirap. Sino ang mapipilit na tumungo sa kung saan walang ganap, kung saan masama ang reputasyon, at kung saan walang mahihita na anuman. Siguro ganyan kung tingnan noon ang tinatawag sa mabuting balita na Galilea. Pansinin ninyo ang pagsasalarawan: lugar na malaon na sa dilim, lugar ng kamatayan, lugar ng mga Hentil o mga pagano!
Pinili ni Hesus na unahing puntahan at paglingkuran ang Galilea. Dito siya nanirahan. Dito siya naghimala at nangaral. Dito niya pinili ang kanyang mga alagad at mga kaibigan. Matapos siyang muling mabuhay, sinabi niya sa mga babae na ipahatid sa mga alagad: “Pumunta kayo sa Galilea; doon ninyo ako makikita.” Sa halimbawa ni Hesus, nakikita natin ang pagnanais ng Diyos na tahakin ang lugar na hindi napupuntahan; ang pagnanais ng Diyos na saliksikin ang laylayan, ang tabing-daan, ang maputik na lansangan.
Malayo ang Galilea sa Herusalem na sentro ng kapangyarihan noon. Hindi lang malayo sa distansya kundi malayo din sa espirituwal at pulitikal na paraan. Ang Panginoong Hesus, na may dalang liwanag, alam niyang kailangan ito sa Galilea. Dala ang buhay, alam niyang higit itong pahahalagahan doon. Naghahanap ng mga naligaw, dama ng Panginoon na ang mga taga-Galilea ang tamang akayin pabalik sa Diyos.
Pagbabalik natin sa karaniwang panahon, ipinaaalala ng ebanghelyo na dinadalaw ng Panginoon ang Galilea ng kasaysayan – yung mga lugar na iniiwasan ng iba dahil mahirap, malayo, at maputik. Nananahan siya sa piling ng mga taong hindi perpekto subalit naghihintay ng magmamahal, maghihilom at magbubuo sa kanila. Bawat isa sa atin ay may Galilea, hindi pisikal na lugar, kundi aspekto ng buhay na kailangan ang liwanag at buhay, ng mga salita at yakap, ng galak at kapayapaan ni Kristo.
Ano bang bahagi ng buhay mo ang sa tingin mo’y nakakahiya, madumi, hindi karapat-dapat? Anyayahan natin si Hesus na dalawin ang aspektong ito ng buhay natin. Sabihin nating kailangan natin siya. Hayaan nating hipuin niya tayo at ihatid sa atin ang kanyang liwanag at pagmamahal.
#ourparishpriest 2023
Comments