EPIFANIA/ TATLONG HARI/ PAGPAPAKITA NG PANGINOON A
KAPWA MAHALAGA ANG SIMPLE AT ANG MATALINO
Mt. 2: 1-12
Dalawang grupo ang nakakita sa bagong silang na Hari, sa Mesiyas ng Israel at ng daigdig. Dalawang grupong hindi pantay, at hindi pareho, sa unang tingin.
Ang unang grupo ay ang tropang pastol. May lugar sa Israel na tinatawag na Bukid ng mga Pastol, kung saan daw nakita ng mga pastol ang anghel na nagbalita ng pagsilang ng Panginoon. Simple ang mga pastol, at minsan daw ay basagulero pa. Subalit nang makita ang Sanggol na Hesus, nakita nila ang mukha ng Diyos at nagbago sila.
Ang ikalawang grupo ay ang tropang Pantas. Edukado, marurunong, at kagalang-galang kaya minsan tinatawag din silang Tatlong Hari. Tulad ng mga pastol na iniwan ang kawan, iniwan din nila ang kanilang mga bayan para maglakbay at maghanap. Kahit walang anghel, ang mahiwagang tala ang sinundan at pinag-aralan nila. Nang makita ang Batang Hesus, nanalig silang nakaharap na nila ang Diyos.
Mahalaga ang mga pastol hindi lamang dahil sagisag sila ng pagmamahal ng Diyos sa mga dukha at inaapi. Maaaring naging tagapag-kuwento sila ng naganap nang gabing iyon sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Sila ang naging mga mangangaral sa kapwa nilang mahihirap at simple, na ang Diyos ay tunay na dumating na at tapat siya sa kanyang mga pangako.
Mahalaga din ang mga Pantas, hindi lang dahil sagisag sila ng malawak na pagmamahal ng Diyos sa buong mundo, sa labas ng Israel. Nagbunyag ang Diyos sa lahat ng kulay at kultura sa pamamagitan nila. At tiyak na nagpatotoo ang mga Pantas sa kanilang nakita. Naging mangangaral naman sila sa mga mayayaman, matataas, at matatalino, na ang Diyos ng Israel ang totoong Diyos na nagsugo ng kanyang Anak para sa kaligtasan ng lahat.
Kapwa mga pastol at mga pantas ay nangaral ukol sa Panginoon, sa kanilang sariling mga paraan. Ang mga simple nagpatotoo sa pamamagitan ng kanilang buhay. Ang mga matatalino nagpatotoo sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagninilay. Kailangan natin ang parehong paraang ito ng pangangaral tungkol sa Panginoon. Salamat sa Diyos sa magkatambal na kasimplehan at katalinuhan na pamana ng ating pananampalataya.
#ourparishpriest 2023
Comments