SAINTS OF JANUARY: SAN TIMOTEO AT SAN TITO
SAN TIMOTEO AT SAN
TITO, MGA OBISPO
A. KUWENTO NG BUHAY
Ka-manggagawa at kasamahan ni San Pablo sa gawain para sa ebanghelyo
ang mga santong pinararangalan natin matapos ang pista ni San Pablo. Sina San
Timoteo at San Tito ay naging mga malapit na alagad at katuwang ni San Pablo.
Paborito ni San Pablo itong si San Timoteo na anak ng isang
lalaking Griyego at isang babaeng Hudyo na naging mga kasapi ng unang simbahan.
Ang lola niyang si Lois at nanay niyang si Eunice ang nagturo kay Timoteo ng
Banal na Kasulatan at pananampalataya.
Naakit si Timoteo na maging Kristiyano nang marinig niyang
mangaral si San Pablo sa Efeso, sa unang paglalakbay nito upang mag-misyon.
Lubos siyang humanga sa nasaksihan niya kaya iniwan ni Timoteo ang lahat ng
makamundong ari-arian upang maging alagad ni Pablo. Sinamahan niya si San Pablo
sa maraming paglalakbay nito, lalo na ikalawa at ikatlong paglalakabay upang
mag-misyon.
Ipinadala din ni San Pablo si San Timoteo bilang kanyang
kinatawan sa Macedonia, Tesalonica at Corinto. Nang mabilanggo si San Pablo, naroon si San Timoteo upang
bigyan siya ng lakas at pag-asa.
Bagamat alam nating hinirang ni San Pablo si San Timoteo na
maging isang obispo, hindi tiyak kung anong taon ito naganap. Ang tiyak lamang
ay naging obispo siya ng Efeso at namatay doon nang taong 97.
Si San Tito naman ay nahikayat din na maging Kristiyano
noong marinig niya si San Pablo sa kanyang pangangaral. Dati ay pagano si San
Tito. Naging kaibigan at alagad siya ni San Pablo. Sinamahan niya si San Pablo
at Barnabas sa Council of Jerusalem kung
saan itinalaga si San Pablo bilang apostol para sa mga Hentil.
Malaki ang tiwala ni San Pablo kay Tito kaya ginawa niya
itong tagapamagitan ng kapayapaan sa pagitan niya at ng simbahan sa Corinto. Na-ordenahan ni San Pablo si San Tito
bilang obispo ng Crete kung saan
namatay siya sa kanyang katandaan, mga edad na 105. May magandang parangal na
sinambit para kay San Tito ang mga banal na sina San Juan Crisostomo at si San
Geronimo. May natatanging debosyon
kay San Tito sa bansang Croatia.
Sa Bagong Tipan, makikita ang mga sulat ni San Pablo kina
San Timoteo at San Tito. Ang mga
sulat na ito ay tinatawag na liham-pastoral dahil nagtataglay ito ng napakagandang
mga paghimok at paanyaya para sa paggabay sa mga pastol ng simbahan at mga
mananampalataya.
B. HAMON SA BUHAY
Maikli lamang ang mga sulat ni San Pablo sa kanyang mga
kaibigan at mga alagad na tampok na mga santo para sa araw na ito. Bakit hindi natin basahin unti-unti at
kapulutan ng aral ang mga Una at Ikalawang Sulat ni San Pablo kay Timoteo at
ang Sulat ni San Pablo kay Tito. Lalo nating makikita ang pagkaka-ugnay ng
tatlong mga bayani ng Bagong Tipan at ng simbahan.
Sa tulong nina San Timoteo at Tito, ialay nawa natin ang
ating buhay sa paglilingkod sa bayan ng Diyos na kinabibilangan natin.
K. KATAGA NG BUHAY
1 Timoteo 1:2
kay timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya; sumaiyo
ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Kristo
Hesus na ating Panginoon.
Tito 1: 5
Ito ang dahilan kaya iniwan kita sa Creta: dapat mong ayusin
ang mga hindi pa ayos at maglagay ng Matatanda sa bawat bayan ayon sa aking
iniutos sa iyo.
(mula sa "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)