ANO ISYU MO? PART 3: NAKAKA-STRESS TALAGA, LORD!
Kung nagre-reklamo tayo sa sarili, sa Diyos at sa iba na stressed na tayo, siguro may dalawa tayong pagpipilian: una, magbawas ng pasanin sa buhay at tumigil sa kare-reklamo, at ikalawa, basta tumigil lang sa kare-reklamo. Kalimitan, ang stess o burnout ay nasa ating isip. Nakakatuwa minsan pagmasdan ang isang tao na nagsasabing stressed siya pero wala namang ginagawa. Naaapektuhan lang niya ang mga nasa paligid niya ng pagiging negative! Maaari ngang busy o baka hindi busy, pero tiyak na ang kanyang sobrang pag-iisip ng stress ay hindi nakakatulong sa kanya. Tila hindi sa labas galing ang kanyang problema kundi sa loob niya mismo, isang panloob na disposisyon o pananaw.
Ano kaya kung iisipin niyang hindi naman talaga siya sobrang busy at kayang-kaya niya ang mga gampanin niya? Kaya ko nasabi ito ay sa dahilang may mga taong tambak ang trabaho pero hindi naman nahahapo kundi nage-enjoy pa nga. Nangyayari din ito sa akin. Ang pagiging stress o hapo ay minsan hindi naman dahil sa tambak ng trabaho kundi sa aking pakiramdam o kaisipan sa aking gawain.
Ang maghapon natin ay magiging laging puno kahit marami man o konti lang ang nagawa natin sa buong araw. Nakasalalay iyan sa ating pananaw sa ating ginagawa. Ang ating kaligtasan mula sa stress ay darating kapag natuto tayong humanga sa mga bagay sa ating paligid; yun bang maging positive sa paligid. Stress talaga kapag hindi mo na nakikita ang kabutihan ng mga tao sa paligid mo dahil sa dami ng trabaho. Stress talaga kapag hindi mo na naaalala kung bakit ka nagta-trabaho o para kanino ang iyong pagsusumikap. Ang kaligtasan ay magmumula kapag biniyayaan tayo ng Diyos ng pagpapahalaga at pagpapasalamat sa kasalukuyan, yung present moment, kung saan nararanasan ko ang presensya ni Hesus sa mga tao at maging sa gawaing nakapaligid sa akin, at kung itututok ko ang aking isip sa presensyang ito ng Panginoon.
Sa dulo ng maghapon, kahit konti lang ang nagawa ko, pero kung nakaugnay ko naman ang Diyos na siyang aking Tagapagligtas, iyan ang mahalaga. Sa kanya ko isusuko ang aking saya at lungkot, kabiguan at tagumpay, upang matagpuan ko ang Diyos sa bawat sandali, sa bawat tao, at sa bawat nakaka-stress na gawain.
Sa panalangin, isipin mo ang panahong ang dami mong trabaho pero masaya ka pa rin. Balikan mo ang pakiramdam ng busy na masaya! Ano ang pagkakaiba ng busy-ing masaya sa busy-ing stressed? Hilingin mo sa Panginoon na makita mong ang pagiging busy man ay regalo niya sa buhay mo – na makita mong bawat gawain ay pagkakataon upang paglingkuran at mahalin siya.
Sa Matthew 11: 28-30, kahit sinasabing tayo ay napapagod at nabibigatan, hindi sinasabi doon na inaanyayahan tayo ng Panginoon na maupo lang sa tabi niya… kundi maging ka-partner niya, ka-manggagawa niya sa buhay na ito. Hilingin mong ipakita sa iyo ng Panginoon na kayang kaya, yakang-yaka, kering keri natin ang lahat – hindi yung trabaho ang mahirap kundi yung galing sa isip natin na takot, pangamba at pag-aalala.
Sa panalangin, tanggapin mong ka-manggagawa ka ni Kriso; itaas mo sa kanya ang gawain mo at ang buong buhay mo. Tanggapin mong isa kang maliit, subalit mahalaga, na bahagi ng plano ng Diyos sa kaligtasan ng mundo at purihin mo siya dahil pinili ka niya.
(image above, thanks to the internet)
Comments