IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO A
PAGHIHINTAY BILANG PAGTALIMA
MT. 1:18-24
Ang sabi ng mga modernong mag-asawa ngayon: “Buntis kami!,” na kumikilala sa pantay na pananagutan ng ina at ama sa pagsilang ng bata. Subalit kay Jose at Maria, surpresa talaga ang anunsyo ng kanilang pagbubuntis. Nanginig si Mary bago makapagsalita, at buti na lang nang maunaawaan niya ang lahat, sa huli, nasabi niyang “Ang puso ko’y nagpupuri.” Kay Jose, malaking kapighatian – pakiramdam niya pinagtaksilan at niloko siya. Buti na lang at matapos humingi ng liwanag, nang matulog siya ay dinalaw siya ng isang magandang panaginip.
Di tulad ni Maria, walang nasabi si Jose; hindi siya nagsasalita habang tulog! Nang magising siyang nahimasmasan, basta sinunod niya ang anghel at tinanggap si Maria bilang asawa. Tinanggap at minahal din niya ang Bata, at naging handang tumayo bilang ama nito sa lupa.
Kaydaling sumunod kapag may batas, gabay ng magulang o salita ng lider. Pero, dahil sa anghel na napaginipan mo? Ang hirap siguro kay Jose na ipaliwanag ang lahat sa pamilya niya. Kaylaking pananampalataya, na hindi malayo kay Abraham, Moises, o Noah ng Lumang Tipan. Napahanay si Jose sa mga taong ito, at ganun din si Maria, sa kanilang pagsunod dahil sa pananalig sa Diyos na totoo at hindi nanloloko.
Ang pagsunod sa “malinaw na kalooban” ng Diyos ay madali, tingnan na lang ang Sampung Utos. Subalit yung “nakatagong kalooban” niya? Mahirap sumunod kung nababalot ka ng karamdamang walang lunas, pagkawala ng minamahal, pagkasira ng mga ugnayan, o pagkawasak ng pinapangarap, di ba? Kailangan ng matibay na pananampalataya, na makababanaag sa tinig ng Diyos maging sa hindi inaasahang mga pangyayari sa buhay.
Ngayong huling linggo ng paghahanda, nais ng Diyos na ayusin ang ating puso sa pagtanggap kay Hesus na may pagsunod. Si San Jose ang model sa “pagsunod sa mga pangyayari.” Hindi laging klaro tulad ng mga batas at utos. At dahil hindi natin mapapaikot lahat ng nagaganap sa ating buhay, madalas nilalabanan at tinatanggihan natin ang mga bagay na hindi bahagi ng ating plano o ng ating hinahangad. Subalit maraming pagkakataon naman, ang mga pangyayaring ito ang boses ng Diyos na nag-aanyaya sa ating maniwala na walang kondisyon, na umasa sa kanya, at manalig na mas alam niya ang pinakamabuti sa atin.
Ano ba ang nagaganp sa buhay mo ngayon na tila Diyos ang nagsasalita sa iyo? Hingin nating turuan at akayin tayo ni San Jose na sumunod sa mga pangyayari ng buhay na nagtuturo sa atin ng kalooban ng Panginoon.
Comments