IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A
ANG PAGDUDUDA NI JUAN
Mt. 11: 2-11
Sumikat talaga si Juan Bautista noong panahon niya! Tanyag na lider relihyoso na may sariling mga tagasunod. Makapangyarihan kung mangaral. Maraming nahakot magsisisi at magbalik-loob. Ang taluktok ng karanasan niya ay nang makaharap niya ang Kordero ng Diyos, si Hesus mismo, na nakiusap sa kanyang magpabinyag sa Jordan.
Ngayon, ibang Juan ang nasa mabuting balita. Sa halip na nakatayo sa gitna ng madla, nag-iisa sa kulungan. Sa halip na malakas na pangangaral, tahimik sa kadiliman. Nang dalawin ng mga alagad niya, inihayag niya ang kanyang mga pag-aalinlangan. Punta kayo kay Hesus, sabi niya, at itanong kung siya ba talaga ng Mesiyas na hinihintay natin.
Ang mundo ngayon ay nababalot sa walang katiyakan. Sa buong mundo, duda ang mga tao sa mga pamahalaan, institusyon, at maging sa simbahan. Duda sa kinabukasan dahil sa nagaganap na gutom, giyera at guhong mga pangako sa publiko o pribado mang buhay. Duda sa sarili dahil sa bukas na tila nasira ng isang pandemyang bumago ng kasaysayan.
Pinakamapait, duda sa pananampalataya. Lahat kasi tayo dumadaan sa mga pagsubok ng pananampalataya. gumagawa ka na mabuti pero hindi naiintindihan ng iba. Sinisikap maging tapat pero hinahadlangan ng mga kaaway. Itinuturo ang Diyos sa iba, pero nagtatanong din sa sarili kung minsan, kung baka iniwan na tayo ng Diyos o kung nakikinig pa ba siya.
Magandang pagnilayan ang mga pagdududa natin ngayong Adbiyento. Hindi pinapalis ng Panginoong Hesus ang mga ito, tulad ng ginawa niya kay Juan. Alam ng Panginoon na kahit ang mga matatapat na tao ay mahina at bantad sa pagkasiphayo at panlulumo. Alam din niyang ang mga matatapat na tao, kapag nagdududa, ay hindi tumatalikod sa pananampalataya, kundi lalo pang naghahagilap ng dahilan para maniwala.
Kaya binigyan ng Panginoon si Juan ng mga tanda ng pag-asa. Sinabi niya sa mga alagad nito kung paano nagsisimula nang matupad ang mga pangako ng Diyos sa kanyang buhay, kilos at misyon. Ipinasabi niya kay Juan na huwag panghinaan ng pananampalataya dahil hindi nasayang ang mga ginawa nito. Bahagi siya ng plano ng Diyos na dahan-dahan at banayad pero makapangyarihan at dakila!
Habang naghahanda tayo sa Pasko, ialay natin ang ating mga pagdududa, sakit, kasiphayuan, at paghihirap sa Panginoon. Bibigyan niya tayo ng pag-asa. Siya ang ating nag-iisang tunay na Pag-asa!
Comments