ANO ISYU MO? PART 2: LORD, GALIT AKO SA ISANG TAO!

 

image from the internet... thanks!

Tama lang magalit kapag ginawan tayo ng masama na walang anumang katanggap-tanggap na dahilan. Ang galit ay hindi mabuti at hindi din masama kung tutuusin. Minsan may magandang naibubunga ang galit. Halimbawa, isang ina na ang anak ay namatay dahil nasagasaan ng lasing ng drayber, dahil sa kanyang galit, ang nagsimula ng isang kilusan laban sa pagmamaneho kung nakainom ang isang tao. Maraming natutulungan ang grupong ito ngayon.

 

Subalit kahit ang makatwirang galit ay may panganib na taglay. Sa isip natin, ang galit ay isang depensa na nagbibigay sa atin ng kapangyarihan kapag pakiramdam natin wala tayong lakas sa harap ng isang kasamaang ginawa sa atin. Kung hindi tayo maingat, maaari tayong matali sa kapangyarihang dala ng galit. 

 

Maaari tayong masanay sa masarap na lakas na nadarama natin kung tayo ay nagagalit. Kaya may mga taong pirmeng galit, laging palaban, laging nakasuntok o handang magmura; naka-depensa na kahit wala pang nagaganap na masama sa kanya. Kapag hindi natin pinakawalan ito, tayo ang siyang matutupok nito.

 

Kung mayroon mang may karapatang magalit, iyan ay ang Panginoong Hesus na nakapako sa krus. Walang sala pero pinatay sa walang laban at karumal-dumal na paraan. Sa halip na magalit, habang namimilipit sa sakit ng mga pako, sumigaw si Hesus: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” 

 

Nakakatuwang isipin na siguro nasindak ang mga alagad nang makitang nabuhay muli ang Panginoong Hesus. Ano ang magiging pakiramdam mo kung ang kaibigan mong tinalikuan at pinagtaguan noong papatayin siya ay bigla na lamang bumalik para harapin ka? May karapatan si Hesus na magalit sa mga alagad niya at sabihin: “Nasaan kayo? Pagkatapos ng lahat ng pakinabang ninyo sa akin?” Sa halip, ipinataw niya sa kanila ang pagpapatawad: "Kapayapaan ang kaloob ko sa inyo," sabi niya.

 

Siguro ito ang kahulugan ng muling Pagkabuhay; ang muling mabuhay ay ang iwanan ang karapatan mong magalit; at maghangad at magsikap na magkaroon ng kapayapaan sa mundo at kabutihan sa lahat, maging sa mga taong naging salbahe sa iyo. Kung hindi natin mararating ang ganitong kalagayan, palagi tayong mananatiling sugatan.

 

Sabi sa Bagong Tipan, ang Diyos Ama ang siyang nagbangon kay Hesus mula sa kamatayan. Kung naging totoo ito sa Panginoong Hesus, magiging totoo rin ito sa atin. Hindi natin kayang ibangon ang ating sarili mula sa galit at poot; kailangan ibangon tayo ng Diyos. At tulad ni Hesus, dapat din muna tayong dumaan sa libingan. Doon natin hihintayin ang kaloob na darating. Ang tanong: "Ano ang gagawin natin sa ating galit habang hindi pa tayo hinahango ng Ama, habang hindi pa naghihilom ang galit?"

 

Kung talagang galit tayo ngayon, baka kailangang manahimik nang konti at magdasal. 

 

Sa panalangin, gamitin ang imahinasyon; isipin mo ang taong gumawa ng masama sa iyo at ipahayag mo sa kanya ang iyong nadarama. Kung dapat kang umiyak o sumigaw, gawin mo yan. Huwag mong pigilan o maliitin ang iyong nararamdaman. 

 

Pagkatapos, isipin mo din ang Panginoon na kasama mo ngayon, nakatingin at nakikinig. Tanungin mo siya kung ano sa tingin niya ang dapat mong gawin sa sitwasyong ito ng iyong pagkagalit. Hayaan mong payuhan ka ng Panginoon batay sa naging karanasan niya sa krus. Makinig ka sa kanya. 

 

Magbabago kaya ang tingin mo sa nang-agrabyado sa iyo ngayong sumangguni ka sa Panginoon, ngayong nakinig ka sa kanyang payo? 

 

Wakasan mo ang iyong pagninilay na nagpapahayag ng pagmamahal sa tao/ mga taong nakasakit sa iyo, anuman ang naghaharing damdamin sa iyo ngayon. Mahalagang iabot mo sa kanya ang iyong pagmamahal. At kung hindi mo kaya itong sabihin, gawin mo ito sa pamamagitan ng isip, kahit walang salita. Balang araw, susunod din ang puso. Magkakaroon din ng paghilom.


 

Ulit-ulitin ang ganitong uri ng panalangin hanggang maramdaman mong nakatawid ka na sa muling pagkabuhay ng iyong puso at isip. Makapagpapatawad ka din at mapapawi din ang galit sa iyong kalooban. Amen.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS