KATANUNGAN MULA SA ISANG KASAPI NG IGLESIA NI CRISTO
Ang sumusunod ay translation ng isang open-letter na inilathala ng Rappler tungkol sa isang kasapi ng INC na namumulat ang mata sa mga kinakailangang pagbabago at mga dapat sagutin at ayusin sa kanilang iglesia. Baka makatulong ito sa mga Katolikong nahihikayat ng mga INC na sumapi sa kanila. Magandang salamin din ito ng mga katuruan at gawain ng sinasabing grupo.
Mga Tanong mula sa kasapi ng Iglesia ni Cristo (salin sa Tagalog)
Disyembre 12, 2022
J. Joaquin
“Bakit kailangang matamo natin ang kaligtasan sa kabilang buhay habang ginagawa naman nating impiyerno ang buhay para sa iba?”
Ang sanaysay na ito ay para sa mga kabataan na nasa Iglesia Ni Cristo (INC), mga kasaping nagmamalasakit, at mga nagmamatyag na hindi kasapi. Ang layunin ay upang simulan ang talakayan tungkol sa nagpapatuloy na krisis ng INC na hindi maaaring isantabi, at kung paano malalampasan ito. Sa pagdaan ng mga taon, sa pagmamatyag at pakikiisa sa mga gawain ng iglesia, nakaipon ako ng mga katanungan na hindi mabigyan ng sagot ng iglesia.
Sa ating pamamahayag
Nagbago nang malaki ang INC mula noong centennial noong 2014. Sa aking pakiki-ugnay sa mga kapatid sa mga distrito sa ibang bansa sa mga local ng Asia, North America at Europa, nakita kong paliit nang paliit ang mga kalipunan, at nasaksihan pa nga ang kawalan ng pisikal na iglesia noong pandemya. Bakit hindi natin ito naririnig sa ating mga lathalain? Lagi tayong nagmamalaking binibili natin ang mga simbahan ng mga namamatay na relihyon, na ang mga templo natin ay banal na lugar sa pagsamba sa Diyos, at iginalang natin ang pakikiisa sa regular at natatanging paghahandog, kaya paano natin maaatim na mawala ang mga iglesia?
Ang kulto ng katauhan ng ating pinuno
Kung ganoon na laman nating batikusin ang turong Katoliko na papal infallibility, at sabihing walang sinuman na dapat sundin nang hindi nag-iisip, pero bakit ganoon din naman natin kung ituring si Eduardo V. Manalo (EVM)? Bakit natin mas naririnig ang ngalan ni EVM kaysa kay Hesukristo, na pinuno ng iglesia, sa mga pagsamba? Bakit tayo may mga gawaing nakasentro kay EVM, tulad ng “OneWithEVM,” and kamakailang lamang “Obey and Never Complain?” Bakit hinihimok tayong magpalamuti sa ating mga bahay ng larawan ni EVM? Bakit tayo kinakailangang manatili pagkatapos ng pagsamba para mag-record ng pagbati sa kaarawan ni EVM? Hindi ba ganito din ang pinagtatawanan nating bulag na debosyon?
Bakit tayo nahuhumaling sa Guinness World Records? Bakit ginagamit ang Guiness, na maaaring bayaran ng daang libong piso para gumawa ng mga bagong kategorya, at siyang ginagamit ng mga diktatorya sa kanilang mga walang kabuluhang proyekto na nagpapakita ng kanilang kapangyarihan? Bakit nagpipilit tayong magpapansin sa mundo sa ating mga engrandeng one-time events? Ang atin bang mga karaniwang gawain tulad ng lingguhang bible study, buwanang evangelica mission, at taunang palaro ay hindi sapat na magpakita ng pagkakaisa? Bakit mahalaga sa atin ang tingin ng mundo gayung tinuruan tayong itakwil ang iniisip ng mundo sa atin?
Sa paggalang sa batas
Bakit dito lang sa Pilipinas ginagawa ang bloc-votin, mula pambansa hanggang local na halalan? Bakit hindi natin ito gawin sa ibang bansa tulad ng US? Hindi ba doktrina na magkaisa sa lahat, maging sa halalan? Nagbabago ba ang ating doktrina depende sa lokasyon? Bakit nangangaral tayo na hindi tayo namumulitika pero pinapayagan nating si EVM ay maging opisyal ng gobyerno, at si Marcoleta bilang congressman mula 2019-2022? Sa rally noon 2015 laban sa imbestigasyon ng Department of Justice sa pamamahala ng iglesia, nagtungo tayo sa lansangang sumisigaw ng “Separation of Church and State!” Noong sumunod na taon, ginamit ng iglesia ang bloc-voting para tukuyin ang mga kinatawan ng estado. Bakit hiwalay ang iglesia at estado kung maginhawa ito sa atin?
May matataas tayong mga ministro at kasapi, kasama na ang sariling pamilya ni EVM, na nagsasalita laban sa katiwalian sa iglesia. Bakit hindi diyalogo sa halip na biglaang pagtitiwalag ng mga nag-aakusa? Bakit hindi timbangin ang katotohanan ng kanilang paratang tungkol sa mga pagbubunyag sa mga ari-arian ng igleisa, tulad ng multi-million peso na eroplanong Boeing, ang mga deposito sa overseas tulad ng sa Aruba, at ang bodega ng armas sa bakuran ng INC central? Bakit hindi ituring na nanganganib ang mga nag-aakusa, kahit na nabigyan na nga asylum sa Canada ang dating mga kasaping sina Canono at Menorca II, o kung ang itiniwalag na kasaping si Jose Fruto ay mahiwagang pinaslang? Bakit tayo kumikilos na tila ang krisis ng 2015 ay hindi naganap?
Bakit noong lockdown sa Pilipinas, pinanood natin ang recording ng pangangaral ni EVM sa isang grupong sumunod sa health protocols, samantalang nanonood tayong siksikan sa ating sariling mga iglesia na kasama ang mga nais na hikayatin ay walang social distancing, walang face mask ang iba, at iba ay nagtipon nang labag sa batas? Bakit kumikilos tayo na makapagpapahamak at makapagpapahirap sa mga hindi kasapi? Bakit kailangang matamo ang kaligtasan sa kabilang buhay habang ginagawa natin impiyerno ang buhay para sa iba?
Sa ganap na pagsunod
Bakit hindi tayo makapagpasya sa ating sarili upang tumulong o gumawa ng mabuti? Bakit kailangan ang pahintulot ng Pamunuan sa Maynila maging sa pinakamaliit na gawain? Naaalala kong pinagbawalan kami na sumali sa community pantry initiative noong 2021 upang tumulong sa mga kababayan. Bakit ang aral sa pagsamba ay pare-pareho lang linggu-linggo: sundin ang Pamunuan at manghikayat ng marami pa? Bakit ang tanging naririnig na mga awitin sa pagsamba ay pre-recorded, hindi payagan ang organistang tumugtog nang live, at pabayaan ang recorded na mga awitin na sapawan ang ating pagkanta? Itinatago ba natin ang ating kawalan ng sigla?
Ang nararamdaman ko sa mga kasapi ay tanging takot, hindi lang sa kaparusahang walang hanggan, kundi sa anumang maisipang utos mula sa Pamunuan. Wala na akong nadaramang sigasig o alab sa mga kasapi. Natatakot na sila sa iglesia dahil sa pagtataas ng quota ng mga handog, ng mga nahihikayat, at ng pagdalo, upang huwag lamang silang dalawin, tanungin at gawing guilty sa di pagtupad sa mga tungkulin. Hindi ko nakikita ang pagmamahal, kundi isang kalipunang humihimok sa mga kasapi na manmanan ang buhay ng isa’t-isa bago sila maging palaban sa pamunuan.
Sa napilay na pagkakaisa
Ang mga tanong bang ito ay nagtutulak sa iyong humanap ng mga sagot? Para sa akin, naunawaan kong ang pamunuan ay nagiging mas mahigpit gawa ng kawalan ng pag-asa.
Subalit, umaasa pa rin ako. Umaasa na may mga kasapi sa loob na nais ng pagbabago sa Pamunuan. Umaasa sa mga hindi kasapi na magiging mapagpuna sa mga gawin ng INC. Umaasa dahil nakita kong marami kayo.
Hindi kayo nag-iisa. Nagpapasalamat ako sa isang pamayanan na saksi sa lumalagong bilang ng mga taong nabibigo na sa INC. Matatagpuan ninyo ang pamayanang ito dito - https://www.reddit.com/r/exIglesiaNiCristo/
Walong taon ang nakalilipas, siguro naisulat ko ito bunga ng sama ng l loob. Subalit ngayon isinusulat ko itong may kapayaang lumalaban. Tatawagin akong taga-tuligsa, taksil at sinungaling. Subalit kung nangangahulugan itong isang naipit sa iglesia ay magkakaroon ng pag-asa, mas mabuti pa akong matiwalag, itakwil ng aking pamayanan, at malagay sa pahamak. Kung ang kapalit nito ay ang isang nabigo at nalito na kasama ay makakaisip na mayroon pala siyang magagawa, masaya akong nakatulong na baguhin ang impiyernong likha ng iglesia dito sa lupa, kaysa maghintay sa langit na ipinapangaral nito na walang aasahan.
Si J. Joaquin ay isinilang at lumaki bilang INC (handog). Nagtrabaho siya sa secretariat ng local at sa finance department. Makipag-ugnayan sa kanyan dito - renegadedude12345@gmail.com
salamat sa Rappler; makikita ang english original dito:
narito ang orihinal sa Ingles: https://www.rappler.com/voices/ispeak/opinion-questions-member-iglesia-ni-cristo/?fbclid=IwAR00jPtEmY-sni0_Ft_6ed1hN83W1qPA2EbJ06_7qZAz5SSQLk0tKRkBmS4
o
https://www.rappler.com/voices/ispeak/opinion-questions-member-iglesia-ni-cristo/
maaari ding sulyapan ang isa pang sinulat ng isang INC na kabataan:
https://www.rappler.com/moveph/66102-iglesia-ni-cristo-mentality-exclusivity/
Comments