ANO ISYU MO? PART 9: LORD, SAMAHAN MO PO AKO SA PAGLULUKSA...

 



Matapos mamatay ang isa kong mahal na kaibigan, ilang araw din akong nagpost sa social media ng kanyang larawan at mga ala-ala. Isa ding kaibigan ko ang nagsabi na tila daw nahihirapan na akong mag-move on. Pagdating sa kamatayan, iyong yugto na tinatawag nating pagluluksa, sino ba ang madaling mag-move on? Mahirap magpaalam at lalong mahirap kung alam mong ito na ang huling paalam.

 

Kung namatayan tayo ng isang mahal sa buhay, ng isang kapamilya at maging ng isang tunay na kaibigan, talagang dadaanan tayo sa madilim na yungib ng pagluluksa; anuman ang edad ng yumao, ano man ang ugali nito, anuman ang karanasan natin dito. At tayo din, anuman ang edad natin, katayuan o kalagayan, tinatamaan tayo ng lungkot, hinagpis, at kawalan. Ang kamatayan ay malungkot na pangyayari kahit saan mo mang anggulo ito sipatin. Subalit ang mangulila, ang mawalan ng isang tao na dati ay takbuhan mo, sandigan mo, kapalagayang-loob mo, at inspirasyon mo, ay karanasang hindi maipaliliwanag at mahirap unawain. Iyong inaasahan mong uuwi pa mamayang hapon, gagaling pa sa sakit, o gigising pa sa umaga ay lumisan na, kinuha na mula sa iyo.

 

Ganito din ang karanasan nina Marta at Maria nang mamatay ang kapatid nilang si Lazaro (Jn 11). Nang dalawin sila ng Panginoong Hesus ipinahayag nila sa kanya ang kanilang kalumbayan sa pagyao ng kanilang kapatid. Maging ang Panginoong Hesus ay nagpakita ng damdamin nang umiyak siya sa pagdating niya sa libingan ng kaibigan. Subalit hindi doon natapos ang lahat. Binuhay ni Hesus ang kaibigan at pinatunayan niyang siya ang Buhay at Muling Pagkabuhay.

 

Bilang mga Kristiyano, ito ang ating pinanghahawakan sa gitna ng ating kalungkutan, sa gitna ng pagluluksa. Nagtagumpay si Hesus sa kasalanan at kamatayan at ang ating minamahal, tulad ni Lazaro ay nagtatamasa na ng buhay, bagong buhay, ganap na buhay, walang hanggang buhay. Kaya nga magandang sa ating pagluluksa, isipin natin na buhay ang ating yumao, at sa tuwing iisipin o ipagdarasal natin siya, kapiling natin siya sa ating kinaroroonan, higit sa lahat, sa ating puso. Ito ang sentro ng ating ugaling pagdarasal para sa mga yumao bilang mga Katoliko; ang paniniwala na ang pag-ibig ay tumatagos at bumabagtas sa hangganan ng langit at lupa, ang panahon at ng walang hanggan. Pag-ibig ang puwersa na nag-uugnay sa ating mga anak ng Diyos.

 

Kapag nangungulila sa gitna ng pagluluksa, magdasal sa Panginoon at ipagkatiwala sa kanya ang ala-ala ng ating mahal na yumao. Ipagdasal din nating maramdaman pa din natin ang pag-ibig at kalinga nito sa isang natatangi at kakaibang paraan. Alalahanin din natin ang mga mabubuting katangian ng ating minamahal at ipagdasal sa Panginoong Hesus na bahaginan tayo ng ganito ding mga ugali at kabutihan. Sa gayon, patuloy na mabubuhay ang ating minamahal sa anumang bahagi ng ating pagkatao.

 

Higit sa lahat, ipagdasal nating ang yumao nating kapatid ay maging isang inspirasyon sa pagtahak natin ng buhay na hindi man siya kasama, ay patuloy na umiinog at humahamon sa atin na tumutok sa kasalukuyan at hindi mapako sa nakalipas. Darating ang panahon na maghihilom din ang lahat, mapapawi din ang luha, at mahahawi din ang lambong ng pagluluksa tungo sa tunay na pagtanggap, pagsuko at pagtupad ng ating naman sariling misyon sa buhay. 

 

#ourparishpriest 2023

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

LA PURISSIMA CONCEPCION, STA. MARIA, BULACAN