SAINTS OF FEBRUARY: SAN BLAS
PEBRERO 3
SAN BLAS,
OBISPO AT MARTIR
A.
KUWENTO NG BUHAY
Kilala siya ng mga may karamdaman sa lalamunan dahil
siya ang patron saint laban sa mga sakit tulad ng laryngitis, pharyngitis, sore throat, vocal cord polyps at kahit na throat cancer. Siya si San Blas isang obispong naging
sikat na tagapagdasal ng mga taong may sakit.
Hindi masyadong marami ang alam natin tungkol sa
buhay ni San Blas at karamihan sa nakarating sa atin na impormasyon ay mula sa
mga popular na kuwento tungkol sa kanyang mga milagro at mapaghimalang pagkilos
sa buhay ng mga may debosyon sa kanya.
Si San Blas ang dating obispo ng Sebaste sa Armenia,
isa sa mga unang bansang yumakap sa pananampalatayang Kristiyano. Ang bansang
ito din ay nakilala sa sobrang paghihirap na dinanas ng mga tao ng dahil sa
pagtatanggol sa kanilang pananampalataya.
Ang mga Armenians ay matatag na mga Kristiyano na
may mahabang tradisyon ng pagiging martir o mga saksi sa pagmamahal nila sa
Panginoong Hesus at sa simbahan.
May kakaibang uri ng pagsamba at buhay-debosyon ang mga Armenians at ito
ay kinikilalang isang uri ng kayamanan ng simbahan na dapat pangalagaan at
panatilihin.
Si San Blas ang kaisa-isang kinatawan ng Armenians
sa ating kalendaryo ng mga santo kaya naman talagang nangingibabaw siya at
dapat makilala.
Ayon sa mga kuwento, noong panahon ng pagtuligsa sa
mga Kristiyano sa ilalim ni Licinius (320-324), ikinulong ng gobernador ng
Cappadocia si San Blas sa labas ng Sebaste. Habang nakakulong, ang mga
mababangis na hayop ay nagtutungo sa banal na obispo upang magpagamot kapag
sila ay may mga kapansanan.
Mas kilala din ang kuwento tungkol sa isang nanay na
nagdala kay San Blas ng kanyang anak na nakalulon at hindi makahinga dahil sa
isang tinik ng isda na nakabaon sa lalamunan ng bata. Sa pamamagitan ng isang taimtim na dasal at sa tanda ng krus
ang bata ay gumaling at naligtas sa posibleng kamatayan dulot ng choking. Dito
nagsimula ang kasikatan niya bilang patron saint laban sa mga sakit ng
lalamunan.
Pero huwag nating kalilimutan na higit pa sa mga
himala, ang tunay na kaluwalhatian ni San Blas ay ang kanyang pagiging martir –
isang taong nagbigay patunay sa kanyang pag-ibig sa Panginoon hanggang sa
kanyang kamatayan. Ipinapatay si
San Blas sa pamamagitan ng pagpugot ng kanyang ulo nong taong 316. Nagsimulang
ipagdiwang ang kanyang alaala sa byong simbahan.
Naaalala ba ninyo na tuwing Pebrero 3 ay may
ispesyal na healing na ginagawa sa ating mga simbahan? Ang dalawang kandila na binasbasan sa
Pebrero 2, kapistahan ng Paghahandog sa Batang si Hesus sa Templo ng Jerusalem,
ay itinatali sa korteng X (o St. Andrew’s Cross). Pagkatapos ito ay inilalagay
sa lalamunan ng mga nagsimba at dinadasalan ng pari upang malayo sa karamdaman
ng lalamunan at iba pang sakit ang mga mananampalataya.
B.
HAMON SA BUHAY
Bukod sa mga himala ni San Blas, magandang paalala
sa atin na patuloy pa rin ang paghihirap ng maraming Kristiyano dahil sa
kanilang pananampalataya. Isipin natin at ipagdasal ang mga Kristiyano sa mga
bansa kung saan sila ay pinapatay, pinahihirapan o tina-tratong hindi mabuti
dahil sa silay ay taga-sunod ni Kristo (lalo na sa Middle East, sa Africa, sa
Asya at sa Europa). Ipagdasal
natin sila at sikaping tulungan kung may paraan na magagawa natin ito. Tulad
nila, pahalagahan sana natin na tayo ay Katolikong Kristiyano sa mundong ito.
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)