SAINTS OF FEBRUARY: MGA MARTIR NG JAPAN


PEBRERO 6
SAN PEDRO BAUTISTA, SAN PABLO MIKI AT MGA KASAMA,
MGA MARTIR



 
 
A. KUWENTO NG BUHAY

Sa kalendaryo ng pandaigdigang simbahan, ang pinuno ng mga martir sa Japan ay itinuturing na si San Pablo Miki.  Sa ating bansa ay si San Pedro Bautista ang unang nakalista sa mga martir na ito.  Malalaman natin mamaya ang dahilan nito.

Nakarating ang Kristiyanismo sa Japan at maraming mga tao doon ang nagpabinyag at sumapi sa bagong pananampalataya.  Si San Pablo Miki ay isinilang sa Japan sa pagitan ng mga taong 1564-1566.  Nagpari si San Pablo Miki bilang isang Heswita ( o Jesuits, ang grupong itinatag ni San Ignacio ng Loyola).  Nakatulong siya sa paglago ng pananampalataya sa Japan dahil sa kanyang matagumpay na pangangaral ng Mabuting Balita.

Biglang sumiklab ang pagtuligsa sa mga Kristyano dahil sa iba’t-ibang kadahilanan at naging marahas ang kilos laban sa mga mananampalataya.  Inaresto si San Pablo Miki at 25 pa niyang kasama.

Dinala silang lahat sa Nagasaki sa pamamagitan ng sapilitang paglalakad ng 966 kilometro mula sa Kyoto. Habang naglalakad ay umaawit sila ng Te Deum, isang papuri sa Diyos sa wikang Latin. Sa Nagasaki ay pinahirapan sila at hiniya ng mga kalaban ng simbahan.  Pinilit silang tumalikod sa kanilang pananalig kay Kristo subalit buong tapang nilang tinanggap ang kamatayan sa halip na itatwa ang kanilang pananampalataya.

Noong Pebrero 5, 1597, itinali sila sa mga krus  sa tulong ng mga lubid at tanikala at namatay bilang mga martir pagkatapos na sibatin ang kanilang mga katawan. Bago namatay si San Pablo ay nakuha pa niyang mangaral sa mga nakapalibot sa kanya. Ipinahayag niya ang kapatawaran sa mga papatay sa kanya at ipinaliwanag niyang mamamatay siya bilang Kristiyano at bilang isang Japanese. And iba naman ay nagdasal ng malakas na “Ama Namin” at “Aba Ginoong Maria” bago mamatay at sumigaw ng “Hesus! Maria!” bago malagutan ng hininga.
  
Kasamang namatay ay mga pari, layko, Hapones at Europeo. May mga Heswita, 17 ang layko at mga Franciscans mula sa Espanya, Mexico at India.

Isa sa mga Franciscanong pari ay naglingkod ng ilang taon sa Pilipinas at umako ng mga mahahalagang posisyon at mga gampanin habang naririto sa ating bansa – iyan ay si San Pedro Bautista, mula sa Espanya. Ito ang dahilan kung bakit siya ang unang binabanggit sa ating aklat-liturhikal, dahil sa kanyang kaugnayan sa ating bansa at sa kanyang pagmamahal sa ating mga Pilipino.

Nagtatag ng maraming mga bayan sa Pilipinas si San Pedro – sa Camarines, sa Laguna at sa Bulacan. Nagtayo rin siya ng maraming mga simbahan dito, tulad ng sa Meycauayan, Bulacan.

Itinayo niya ang isang simbahan at kumbento sa San Francisco del Monte (QC) na noon ay naging isang lugar para sa pagdarasal at pamamahinga ng mga pari at pati ng Arsobispo ng Maynila.  Natuklasan niya ang hot springs sa Los Banos, Laguna at sa Cavite ay nagtatag naman siya ng isang ospital (dating Hospital of the Holy Spirit).

Naging superior o pinuno siya ng mga Franciscanong pari sa Pilipinas at ang Gobernador Heneral ay itinuwid niya sa mga pang-aapi na ginagawa ng gobyerno noon sa mga Pilipino.  Ipinadala si San Pedro Bautista at ilang kasama sa Japan para magsimula ng bago nilang misyon doon. Nakasama sila sa mga dinakip na Kristiyano sa grupo ni San Pablo Miki. Doon nila natamo ang kanilang karangalan bilang mga martir.

Ang 26 na santong ito ang mga unang na-canonize na martir mula sa Far East at naganap ito noong 1862.

B. HAMON SA BUHAY

Bukod sa mga Pilipinong santo, may mga santo din pala na naging bahagi ng ating kasaysayan dahil napamahal sila sa ating bayan at naglingkod sa ating bansa.  Dito natin makikita ang pagiging “universal” (o pandaigdig) ng ating simbahan.  Nawa ay lagi tayong maging bukas para sa mga mabubuting impluwensya mula sa labas ng bansa.  Maging handa din tayong ibahagi naman ang ating mabubuting katangian at kontribusyon bilang Pilipinong Katoliko sa mga Kristiyano sa buong mundo.
 
 (mula sa aklat na "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS