SAINTS OF FEBRUARY: SAN ANSCAR


PEBRERO 3
SAN ANSCAR (OSCAR), OBISPO



 
 
A. KUWENTO NG BUHAY

Binibigyang halaga natin ngayon ang isang taong naging kasangkapan upang ang isang bahagi ng Europa ay maging tahanan ng pananampalataya at maging malapit sa Diyos at sa kanyang simbahan. 

Si San Anscar ay isinilang sa Corbie, isang lugar sa France.  Naging isang monghe siya (isang taong namumuhay kasama ng iba pa sa loob ng monasteryo upang doon ay manalangin at magtrabaho para sa kaluwalhatian ng Diyos). Naging lider din siya ng mga monghe.

Nagtungo si San Anscar sa bansang Denmark matapos na mabinyagan ang hari nitong si Harold noong 826.  Doon nangaral ng Mabuting Balita si San Anscar at naging matagumpay.  Pagkaraan ng ilang taon sa bansang Sweden naman siya pumunta upang mag-misyon sa mga tao doon. Inanyayahan siya ni Haring Bjorg ng Sweden at nagpaunlak naman siya.  Doon din ay naging matagumpay ang pagkilos ni San Anscar.

Tinatawag na “Apostol ng Denmark at Sweden” ang ating mahal na santo dahil sa kanyang mga nagampanan sa mga mamamayan ng dalawang bansa.

Naging unang arsobispo ng Hamburg si San Anscar noong 831 at ginawa din siyang kinatawan ng Santo Papa sa lahat ng mga bansa sa Scandinavia (bahagi ng Europa na binubuo ng kultura at teritoryo ng Norway, Sweden at Denmark, Iceland, Finland at Faroe Islands) at sa northern Germany.

Lahat ng pinaghirapan ni San Anscar ay tila gumuho nang sakupin ng mga paganong Norsemen ang lungsod ng Hamburg at ang buong Denmark at Sweden ay nagbalik sa pagiging pagano.  Noong unang panahon, kapag sinabing “pagano” ang kahulugan ay mga taong hindi naniniwala sa Diyos.  Sa panahon natin ngayon hindi na natin ginagamit ang salitang ito sa mga taong hindi natin katulad sa pananampalataya sapagkat alam na natin na maaaring hindi sila naniniwala sa ating Diyos pero may kinikilala pa rin silang diyos, kahit na hindi totoong Diyos ang kanilang sinasamba. Sa mga panalangin at misyon ng simbahan, inaasam natin na makilala ng lahat ng tao ang tunay na iisang Diyos – ang Ama, Anak at Espiritu Santo.

Naging maging maganda ang sitwasyon, nagbalik si San Anscar sa Scandinavia upang muling ibalik ang pananampalataya at nagtagumpay na naman siya.  Nakakalungkot lamang na pagkamatay ni San Anscar, muling nahulog sa paganismo ang Sweden at nanatiling ganito hanggang sa 11th century nang magmisyon dito si St. Sigfrid ng England at nagtagumpay sa pangangaral doon.

Isang ambisyon ni San Anscar na mamatay bilang isang martir pero hindi ito ipinagkaloob sa kanya. Sa halip namatay siya sa natural na kadahilanan noong Pebrero 3, 865, sa edad na 64.
  

B. HAMON SA BUHAY

Nakakahanga ang tatag ng loob ni San Anscar. Hindi lamang siya masigasig sa una niyang misyon.  Nang kailangan siyang magbalik upang simulan muli ang gawain ng pangangaral ay ibayong sipag ang kanyang ipinakita.  Tila walang makapipigil sa kanyang interes na makita ang tagumpay ng Mabuting Balita sa puso ng mga tao.  Ganito rin ba tayo sa paggawa ng mabuti o madali tayong magsawa?
 
 (mula sa aklat na "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS