SAINTS OF FEBRUARY: SANTA ESCOLASTICA


PEBRERO 10
SANTA ESCOLASTICA, DALAGA


 

 
 
A. KUWENTO NG BUHAY

Mula pa sa unang aklat ng seryeng ito (pang-Adbiyento hanggang Bagong Taon), alam na natin na may mga magkakaibigan na nagiging santo o mga magkakapatid o magkakapamilya na nagiging santo. Pero kakaiba ang relasyon ni Santa Escolastica at ng kanyang kapatid.  Silang dalawa ay ipinanganak na kambal. Kambal na santo at santa sa iisang pamilya!

Si Santa Escolastica at ang kanyang kapatid na si San Benito (St. Benedict) ay ipinanganak sa Nursia, sa Italy noong taong 480.  Sa simula pa lamang ng kanyang buhay ay nais na niyang ialay ang buong sarili upang maging handog na malinis at marapat para sa Diyos.  habang ang kanyang kapatid na si San Benito ay nag-aaral  sa Roma, si Santa Escolastica naman ay naiwang kasama ng kanilang ama sa bahay.

Makikila natin si San Benito sa sarili niyang kapistahan. Pero mainam na banggitin na dito na si San Benito ang itinuturing na ama ng monastisismo sa Kanluran o sa Europa.  Ibig sabihin, malaki ang impluwensya niya upang matatag bilang isang maayos na institusyon ang mga monasteryo kung saan ang mga monghe at mga mongha ay mamumuhay nang ayon sa kanilang pagnanasang manalangin, magtrabaho at mag-aral ng Salita ng Diyos.

Habang isinasagawa ni San Benito ang kanyang misyon, inaakala na laging nakasunod din sa kanya ang kanyang kambal na kapatid na si Santa Escolastica. Nang nasa monasteryo sa Subiaco si San Benito, nasa isang monasteryo ng mga babae naman si Santa Escolastica na hindi kalayuan. At nang itatag ni San Benito ang monasteryo sa Montecasssino, sumunod naman si Santa Escolastica sa monasteryo sa Piumarola.

Talagang niyakap ni Santa Escolastica ang halimbawa ng kanyang kapatid.  Nang magtatag ng isang grupo ng mga monghe si San Benito, nagtatag din si Santa Escolastica ng isang grupo ng mga mongha naman na sumunod din sa pamantayan ng buhay na ginawa ni San Benito.  Hanggang ngayon ay buhay na buhay pa ang mga kilusan ng mga kababaihan sa simbahan na sumusunod sa buhay ni Santa Escolastica.  May mga monasteryo at kumbento ng mga madreng o mongha na siya ang kinikilala bilang tagapagtatag at inspirasyon.

Ayon sa isang kuwento, bihirang magkita ang magkapatid na ito kaya minsan na nagtagpo sila sa isang lugar sa labas ng kanilang mga monasteryo, nagkaroon sila ng pagkakataong magpalitan ng kuro-kuro tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos. 

Nang panahon na upang maghiwalay sila at bumalik sa kanilang mga monasteryo, nagpaalam na si San Benito pero ayaw pumayag ni Santa Escolastica dahil na rin sa pananabik niyang makita at makausap ang kakambal niya.  Pero mahigpit sa oras si San Benito at gusto na talaga niyang umalis.

Naisipan ni Santa Escolastica na magdasal. Pagkatapos niyang magdasal, ay bumuhos ang malakas na ulan at hindi tuloy makaalis si San Benito. Ipinaliwanag ni Santa Escolastica na nakiusap siya sa  kapatid, pero ayaw nitong pumayag na magtagal ng kaunti pa sa pag-uusap nila. Kaya sa Diyos siya nakiusap at ang Diyos ang gumawa ng paraan.  Nagulat si San Benito sa lakas ng kapangyarihan ng panalangin ng kanyang kapatid.

Namatay siya noong taong 547.  Sinasabi na nakita ni San Benito ang isang tanda ng pagkamatay ng kanyang kapatid nang masulyapan niya ang isang kalapating lumilipad sa labas ng kanyang bintana.  Alam niyang ito ang sagisag ng kaluluwa ng kanyang kakambal.

Sa monasteryo ng Montecassino sa Italy ay makikita ang libingan ng magkapatid.  Sila na magkatabi sa sinapupunan ng kanilang ina ay magkatabi ulit ngayon sa kanilang libingan.


B. HAMON SA BUHAY

Minsan ay nagiging problema natin ang sarili nating ka-pamilya o kasama sa bahay. Si Santa Escolastica ay kumuha ng inspirasyon sa pananampalataya sa sarili niyang kapatid. Ipagdasal natin na matapos na ang mga problema natin sa pamilya at sa halip ay maging katuwang natin ang ating mga pamilya tungo sa paglago natin sa kabanalan. Ipagdasal natin ang isang mahal sa buhay na ngayon ay nagbibigay sa atin ng suliranin o alalahanin.

(mula sa aklat na "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS