IKA-18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
PAGKAING PANGMATAGALAN Ngayong Linggo, patuloy ang kamangmangan ng mga tao sa Mabuting Balita. Hinahabol nila si Hesus. Sinusundan nga nila siya. Hinahanap-hanap. Pero mali ang motibo nila. At nagbabala ang Panginoon: Huwag ninyong asamin ang tinapay, kahit libre pa ito (Mabuting Balita ng nakaraang Linggo). Huwag ninyong hanapin ang tinapay na panandalian lamang. Huwag kayong kumapit sa pagkaing napapanis! Matiyagang tinuruan ni Hesus ang mga tao tungkol sa katotohanang nais niyang maunawaan nila: ang Tinapay ng Buhay, ang tunay na Tinapay mula sa langit. Ito ang tunay na mahalagang Tinapay, dahil nagdudulot ng buhay, hindi makalupa kundi makalangit, hindi makamundo kundi sa ibayo pa ng daigdig na ito. Ito ang Tinapay na nagbubukas ng pintuan ng langit. Ang Tinapay na ito ay mismong si Hesus, ang kanyang buong katauhan, na dapat tanggapin, mahalin, panaligan at sundan. Ang makilala si Hesus at isuko ang lahat sa kanya ang kahulugan ng ating buh...