PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON 2021
ANG BAKA AT ANG ASNO SA PASKO Lk 2; 1-14 fritz eichenberg photo Nagtataka ka ba kung bakit laging may baka at asno (maliit na kabayo) sa Belen tuwing Pasko? Siyempre meron ding ibang hayop doon tulad ng tupa na sumunod tiyak sa mga pastol at kamelyo na siyang sasakyan ng tatlong hari. Pero ang baka at asno ay hindi simpleng palamuti lamang sa Belen. Sila ay naroroon bilang tanda ng isang pahayag ng Bibliya. Sabi sa Isaias 1:3: “Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon, at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo; ngunit hindi ako nakikilala ng Israel, hindi ako nauunawaan ng aking bayan.” Nakamamangha ang katapatan ng mga hayop sa kanilang amo, o tawag nating ngayon, mga taong-magulang. Naaalala ko ang aking mga aso na tila nakakita ng artista tuwing darating ako. Nakagugulat din naman na ang mga tao, na may pag-iisip at pang-unawa, madalas hindi makilala at maparangalan ang tunay nilang Panginoon at Lumikha. ...