KUWENTONG PAROKYA (PARISH CHRONICLES 2)


ANG ASSISTANT PARISH PRIEST (KATUWANG NA PARI)



Dahil sa kakulangan ng mga pari sa ating bansa, bihira tayong makakilala ng tinatawag na Assistant Parish Priest. Pero kung maging mapalad na mayroon man, madalas ang itinatalagang Assistant Parish Priest ay isang bagong hirang (newly-ordained) na pari na pagdating ng ilang buwan o ilang maikling taon ay siya namang magiging Parish Priest sa kanyang sariling assignment na parokya.  Ang Assistant Parish Priest ay para bang nasa “training period” para maging isang ganap na Parish Priest pagdating ng tamang panahon.

Bihira ang maliit na parokya na may Assistant Parish Priest.  Normal lang na ipadala ng Obispo ang isang pari upang maging assistant sa isang malaking parokya na maraming gawain o malawak ang sakop na lugar.  Normal din na ang kasama ng assistant ay isang medyo matanda na o beterano nang pari. Para bang inaasahan na ang Parish Priest ay matanda at ang kanyang Assistant ay bata.  Hindi naman ito sa lahat ng sitwasyon, dahil may mga exceptions din sa ibang pagkakataon.

Noong bago ako pumunta sa parokya bilang assistant, unang payo sa akin ng aking Spiritual Director sa seminaryo, na ituring ko daw bilang ama ang aking Parish Priest.  Maglaan daw ako ng panahon na makinig sa kanya at matuto mula sa kanyang mga halimbawa at mga payo sa buhay-pari. 

Madalas, sa mga kuwentuhan ng mga batang pari, nagkakaroon ng conflict sa pagitan ng Parish Priest at ng kanyang Assistant.  E bakit nga hindi, yung isa ay karaniwang matanda at yung isa ay bagong dating at karaniwan ay bata pa.  Tulad ng nasabi na, mas gusto ng mga tao kapag bata at bago ang pari kaya siya ang nilalapitan, tinatanong, iniimbita. 

Para huwag magkaroon ng ganitong gusot, payo ng aking Spiritual Director, lagi akong magpapaalam sa aking Parish Priest sa aking pupuntahan, sa aking mga appointments at pati na sa aking mga plano para sa mga tao sa parokya.  Sa ganun, sabi niya, hindi magiging insecure ang aking Parish Priest.  Siyempre, payo pa niya, lagi akong susunod sa direksyon ng aking Parish Priest para sa landas ng parokya.  Huwag ko daw sasalungatin ang aking Parish Priest.

Ito nga ang ginawa ko at laking gulat ko na lalo kaming nagkasundo ng aking Parish Priest. Nakuha ko ang kanyang loob at ilang buwan pa lamang ako ay tiwalang-tiwala na siya na sa akin iwanan ang mahahalagang gawain o events ng parokya.  Naging ama at kaibigan ko ang aking Parish Priest. Nakinig talaga ako sa kanyang mga karanasan at mga paggabay sa mga bagay-bagay. Bilang bagong pari, marami pa akong hindi alam subalit sa tulong ng aking Parish Priest, unti-unti akong namulat.

Ano ba ang madalas na gawain ng isang assistant?  Unang-una, katuwang siya sa mga gawaing liturgical o pang-samba: Misa, Binyag, Kasal, Libing, Blessings. Gayundin ang interview ng ikakasal, formation ng mga parishioners at katesismo sa mga bata at mga kabataan.  Minsan may mga gawain sa parokya na gusto ng Parish Priest ay reserved lamang sa kanya.  Kung ganun, dapat matuto ang assistant na gumalang sa desisyong ito at sumuporta na lamang sa kanya. May mga dahilan ang Parish Priest na maaaring hindi alam ng assistant dahil sa mas malalim na karanasan nito sa mga tao at sa mga sitwasyon.

Masarap maging assistant kasi bagamat laging madaming trabaho, pero ang mabibigat na gawain tulad ng tungkol sa pera, sa desisyon, sa mga problema at sa construction work ng simbahan, ay hindi mo hawak kundi hawak ng Parish Priest.  Noong assistant pa ako, mas payapa at mas mahaba ang tulog ko.  Pero nang maging Parish Priest na, madalas mapuyat kaiisip at unti-unting nalagas ang aking mga buhok.  Pero ang assistant ay laging malinis, mabango at guwapo sa mata ng mga tao.


Comments

Anonymous said…
This is very much true po!
"Let us support the young clergy,
let us support those entrusted with parishes,
let us support our beloved ministers!"
KUDOS...

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS