IKA-APAT NA LINGGO SA KUWARESMA - A


LUMAPIT SA LIWANAG



Ipikit mo ang mga mata sandali at damahin mo ang dilim. Ano ang pakiramdam mo? May magagawa ka ba kung ganito ka lagi? Enjoy ka bang maging bulag o nasa dilim lamang?  Syempre hindi!  Ayaw nating maging bulag. Ayaw ng bulag manatiling bulag. Ayaw ng nasa kadiliman na manatiling walang ilaw. Marami sa atin ang takot sa dilim dahil hindi natin alam kung ano ang magaganap sa ating kapaligiran.

Si Hesus ay hindi tako sa dilim. Dumating siya upang salubungin ang dilim ng mundo. Dumating siya upang akayin ang bulag palabas sa kadiliman tungo sa mundong may kulay, may hugis, may kilos. Si Hesus ang Diyos na pumasok sa dilim upang ilabas ang mga naroon tungo sa  kalayaan.

Ngayon ang kadiliman ay hindi lamang pisikal, kundi panloob, “interior darkness.” Bukas ang mata pero walang direksyon ang buhay. Bukas ang mata pero hindi malaman kung ano ang tama. Malinaw ang mata subalit makipot ang daan papalabas sa galit, hinanakit at sama ng loob. Hindi makita ang landas palayo mula sa guilt ng konsyensya o ang landas palayo mula sa paulit-ulit na kasalanan.

Ang kasalanan ang pinakapangit na kadiliman. Ninanakaw nito ang liwanag at ligaya sa ating buhay. Pinipilay tayo nito upang hindi tayo makausad at makapagbagong buhay. Ginagawa tayong mahina sa pakikidigma laban sa tama.

Kaya ba ng bulag na gamutin ang sarili? Kaya ba ng kadiliman na gumawa ng liwanag? Hindi! Kailangan natin ang ISANG sasalubong sa atin at hahawakan ang ating kamay. Kay Jesus, narito ang hinihintay natin na kakausap sa bulag, hahawakan ang mata ng bulag, papawiin ang pagka-bulag at bibigyan ng ganap na liwanag.

Ginagawa pa rin ito ng Panginoon ngayon at paulit-ulit sa sakramento ng Kumpisal. Doon ginagabayan niya tayo tungo sa liwanag habang kinakausap, hinahawakan, at isinusugo niya tayong puno ng kapayapaan at kagalakan. Tulad ng bulag, sa Kumpisal, lumalaya tayo.

Kung matagal ka nang hindi nakakalapit sa Kumpisal at damang dama mo na may kadiliman sa buhay mo, dahil sa kasalanan o kahinaan, huwag mag atubiling lumapit ngayong Kuwaresma. Hayaan mong ipakita sa iyo ng Panginoon ang kanyang pag ibig at ipadama sa iyo ang kanyang awa. Kung madalas ka namang mag kumpisal, patuloy mo itong gawin at akayin mo pa ang ibang tao na maranasan din ang malaking biyayang iyong tinatamo sa sakramentong ito.

Sa bandang huli, tulad ng ating bulag, na nanindigan sa prinsipyong sumunod at manampalataya kay Jesus, sana tayo din ay magkaroon ng lakas ng loob at positibong pananaw na puno ng pag-asa. Sa tulong ng Kumpisal, mapalapit nawa tayo sa Panginoon, ang Ilaw ng daigdig na ito, at ilaw ng bawat puso.  Amen.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS