IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA - A
KAILANGAN NATIN ANG
PANALANGIN
Bakit umakyat ng bundok si Hesus
para magbagong-anyo? Kasi kakailanganin niya ang lakas para harapin ang krus.
Bakit nandoon ang mga alagad? Kasi kakailanganin nila ang lakas para isabuhay
at ipaglaban ang kanilang pananampalataya. Ang pagbabagong-anyo ay karanasan ng
lakas para sa kanila.
Pero saan nagmula ang lakas na
iyon? Hindi tahasang sinabi sa Mabuting Balita ni San Mateo ngayon, pero
ipinahihiwatig sa atin na ito ay galing sa panalangin. Tulad ng dati, si Hesus
ay umakyat sa bundok upang magdasal at makipag-usap sa kanyang Ama. Ipinagdasal
niya ang kanyang nararating na sakripisyo, gayundin ang kanyang mga alagad na
umaasa sa kanya.
Ngayong Kuwaresma, ipinaaalala sa
atin ang mga mahahalagang disiplina ng buhay Kristiyano. Noong isang linggo, ang pag-aayuno o
fasting. Ngayon naman, panalangin. Tila simple lang ang magdasal pero bakit
tila ang hirap nito para sa maraming tao? Ang dami kasing nakakakuha ng
atensyon natin. Bukod pa riyan, marami sa atin ang naniniwala na hindi nating
kailangan ang tulong ng iba, tulong mula sa iba, para harapin ang mga pagsubok
ng buhay. Kaya natin ito! Bilib
tayo sa sarili! May kontrol tayo sa buhay!
At bakit nga hindi? Tayo ay nasa
“kultura ng kontrol.” Kaya nating kontrolin ang lupa at langit, tubig at
hangin, ngayon at bukas. Pero bakit nga ba hindi natin kayang kontrolin ang
direksyon ng ating buhay-may asawa, ang ugali ng ating anak, ang paglaganap ng
ating sakit? Hindi natin mapigil ang paglago ng kasamaan sa ating puso at sa
ating kapwa tao at kapaligiran.
Hindi natin kayang hilumin ang sugat ng ating mga isip, damdamin at
puso.
Sa huli, dapat nating tanggapin
na may mga bagay na lampas sa ating kapangyarihan. Kailangan natin ang isang tutulong sa atin na harapin at
itama ang mga mali at sira sa ating mundo sa kanyang sariling kapangyarihan.
Ang ating lakas ay limitado, ang ating karunungan ay may hangganan.
Kailangan natin ang lakas na
natagpuan ni Hesus at mga alagad sa bundok sa oras ng kanilang pananalangin.
Kung ginagamot ng fasting ang
ating ganid at sakim na pag-iisip, ginagamot din naman ng panalangin ang ating
mayabang na pagkatao. Hinihilom ng panalangin sa pamamagitan ng pagkakatiwala
ng sarili natin sa kamay ng Diyos na nagmamahal at nag-aaruga. Huwag tayong
matakot magdasal. Sa tulong nito, kaya nating dalhin ang mga paghihirap na
taglay ang lakas na nagmumula sa Diyos (cf. 2 Tim. 1:8b).
May kailangan ka bang ipagkatiwala sa Panginoon? Matapos mo gawin ang lahat ng iyong
makakaya, meron bang bagay na siya lamang ang makakatulong sa iyo? Manalangin
nang buong puso, nang may pagtitiwala, nang palagian. Tataglayin mo ang lakas na galing sa Panginoon upang harapin
ang iyong mga pagsubok.
Comments