IKATLONG LINGGO SA KUWARESMA - A
ANG KAWANGGAWA O
CHARITY SA KAPWA
Pagnilayan natin ang ikatlong
disiplina ng kuwaresma – ang kawanggawa o paglilimos. Siguro, ang unang naiisip
natin ngayon ay barya para sa pulubi o relief goods sa mga nasalanta. Totoo ito ay kawanggawa pero kahit
taong walang pananampalataya ay kayang gawin ito dala ng awa sa mga
naghihirap. Ang kawanggawa o
paglilimos o charity na mula sa Kristiyanong pananampalataya ay may kakaibang
hamon para sa atin.
Masdan natin ang Mabuting Balita
ngayon (Juan 4) kung saan nagulat ang mga alagad na makita si Hesus na kausap
ang isang babaeng Samaritana. Alam niyang makasalanan ito subalit binigyan niya
ng pag-asa at bagong buhay. Inihayag niyang siya ang Mesiyas na hinihintay ng
lahat (v. 26). At pagkatapos kinausap niya rin ang mga kapitbahay ng babae.
Nakakagulat ito kasi magkaaway
ang mga Hudyo at Samaritano. Tapos, makasalanan ang babae at banal naman ang
Panginoon. Bakit o paano nangyari ito?
Kitang-kita dito ang tunay na
kawanggawa o charity ng Panginoon. Hindi lamang pagbibigay o pagtulong. Naroon si Hesus para sa babaeng
makasalanan at dayuhan dahil sa kanyang puso, sila’`y ay magkapatid sa iisang
Diyos. Napakabuti ni Hesus sa babae dahil bahagi siya ng buhay niya!
Ito ang tunay na charity o
kawanggawa! Nagbibigay, tumutulong,
nagbabahagi, nakikinig dahil tulad ni Hesus, para sa atin, ang taong mahirap o
biktima o nagdurusa ay isang kapatid natin kay Kristo. Para sa isang
Kristiyano, hindi maaaring mabuhay na hindi rin bahagi ng mas malaking pamilya
ng Diyos.
Sa mundo ngayon, mas madaling
ituring ang kapwa bilang kaaway na gumawa sa akin ng masama, o ka-kumpitensya
na dapat labanan o dayuhan na dapat pag-suspetsyahan at iwasan. Madaling maging
walang pakialam. At ganito tayo kasi feeling natin, hindi natin kaano-ano ang kapwa
natin.
Ang charity ni Hesus ay
nagpapahilom ng di pagkakapantay-pantay ng mundo at ng mga basag na ugnayan ng
mga tao. Ganito tayo kamahal ng Diyos: nahabag siya sa atin kahit tayo ay
makasalanan at namatay si Kristo para sa atin dahil minahal niya tayo bilang
mga kapatid niya (Rom. 5:8-9).
Ngayong Kuwaresma, may mga tao ba
na ayaw mong tingnan, o kausapin o makahalubilo o pag-isipan ng mabuti? May mga tao ba na hinihiling ng
Panginoon na patawarin mo at tanggapin na muli bilang kapatid sa iyong puso?
Alam ng Panginoon hindi ito madali. Magdasal tayo at humingi ng lakas ng loob…
Comments