IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO – B
TANGGALIN ANG IMPOSIBLE
May mga panahong akala natin imposibleng mangyari,
imposibleng magbago, imposibleng kumilos. Surrender tayo sa imposible kaya
hindi tayo maka-usad, hindi tayo maka-tayo, hindi tayo maka-angat.
Pero alam mo ba, ang Diyos ang kalaban ng imposible.
Yung hindi matarok ng isip ay posible sa puso ng Panginoon. kapag sinabi niyang
mangyayari, magaganap nga ito hanggat tayo ay bukas at naniniwalang ito ay
mangyayari.
Tingan mo si Maria. Walang asawa, walang karanasan,
sobrang bata para maging ina. Eto at sabi ng anghel: maglilihi ka at
manganganak ng isang sanggol na lalaki. Tingnan mo si Elisabet. May asawa pero
baog, at sobrang tanda na para magka-anak. Pero sabi ng anghel: buntis na siya
ngayon nang 6 na buwan!
Walang imposible sa ating Diyos!
Naniniwala ka ba dito? Naniniwala ka ba na kaya ng
Diyos gawin ang lahat para maging mabunga at makabuluhan ang buhay mo?
Naniniwala ka ban a mahal ka ng Diyos na kaya niyang wasakin ang imposible at gumawa
ng mga himala araw-araw para sa iyo?
Ang Pasko ang kapistahan ng posible! Posible dahil
gusto ng Diyos. posible dahil alam niyang kailangan mo. Posible dahil mayroon
kang pananampalataya.
Ngayong Pasko, itaas sa Diyos ang pusong may
pananampalataya at tanggapin ang imposible ay nagiging posible na! maging tulad
ni Elisabet. Maging tulad ni Maria.