SAINTS OF DECEMBER: SAN JUAN NG DAMASCO


DISYEMBRE 4

SAN JUAN NG DAMASCO (ST. JOHN DAMASCENE),
PARI AT PANTAS (DOCTOR) NG SIMBAHAN




A. KUWENTO NG BUHAY


Tayong mga Katoliko ay gumagamit ng mga larawan at imahen sa ating pagdarasal at buhay-pananampalataya.  Kahit na ano pa ang sabihin ng mga Kristiyanong hindi-Katoliko na kalimitan ay pinipintasan ang ating gawaing ito, mahal pa rin natin ang mga banal na imahen  o larawan bilang tagapagpaalala sa atin ng buhay ng Diyos at ng mga banal na tao.

Si San Juan ay ipinanganak sa Damascus (na ngayon ay bahagi ng bansang Syria), kaya nakakabit sa pangalan niya ang salitang Damasco.  Isinilang siya sa isang pamilyang  Arabo-Kristiyano mga bandang  taon 675.  Nag-aral siya ng philosophy at pumasok sa monasteryo upang maging isang pari at monghe. Ang isang monghe ay nakatira sa loob ng monasteryo sa kanyang buong buhay, tanda ng pagtalikod nila sa lahat ng uri ng kamunduhan at ng pagtatalaga ng buhay niya sa Diyos lamang. Ang kanyang monasteryo ay malapit sa Jerusalem.

Matalino si San Juan at sa monasteryo lalo pa siyang nag-aral ng Salita ng Diyos at ng turo ng pananampalatayang Kristiyano.  Nagsulat din siya ng aral para sa kanyang kapwa Kristiyano bilang kanilang gabay. 

Dito kinilala bilang pantas o “Doctor of the Church” si San Juan.  Ang pantas o “Doctor of the Church” ay isang titolo na ibinibigay sa isang santo o santa na nagpakita ng katalinuhan at kahusayan sa pagtuturo at pagpapaliwanag ng pananampalatayang Kristiyano. 

Kapag relihyon ang pinag-uusapan, ang “doctor” ay hindi nangangahulugan na isang manggagamot sa clinic o ospital tulad ng inaakala natin ngayon.  Hindi siya medical doctor kundi “Doctor of the Faith,” isang taong marunong at matalino (kaya nga pantas, o wise) na ginamit ang kanyang karunungan sa pagtuturo ng landas ng katotohanan sa iba.

Kinilala si San Juan ng Damasco lalo na sa kanyang turo ukol sa mga imahen o larawan.  Ang emperador sa kanyang panahon ay naniwala na masama ang paggamit ng mga imahen at larawan sa panalangin at debosyon  at ang kanyang mga tagasunod naman ay winawasak ang mga imahen – ang tawag sa kanila ay mga iconoclasts o “mga taong galit sa mga imahen.”  Ipinagtanggol ni San Juan ang paggamit ng mga Kristiyano ng mga imahen bilang tagapagpaalala ng mga banal at maka-Diyos na katotohanan.

Naisulat niya: “Hindi ang materyal na bagay ang ating binibigyang parangal kundi ang kinakatawan nito; ang parangal na ibinibigay natin sa mga imahen o larawan ay doon pumupunta sa talagang kinakatawan ng imaheng ito.”

Namatay si San Juan noong kalagitnaan ng 8th century, mga bandang taong 749.


B. HAMON SA BUHAY


Bilang Katolikong Kristiyano, pinahahalagahan mo ba at ipinagmamalaki ang mga tanda at simbolo ng ating pananampalataya? May altar ba sa inyong tahanan kung saan matatagpuan ang mga imahen o larawan ng Panginoon, ng Mahal na Birhen at ng mga santo?  Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng paggamit nito o baka ikaw din ay naguguluhan kapag naririnig mo ang pangaral ng ibang mga Kristiyano o ng mga sekta?  Bakit hindi mo lalong alamin at pag-aralan ang iyong pananampalataya upang maipaliwanag at maipagtanggol mo ito?

Ngayong Adbiyento, mapagnilayan nawa natin ang pag-ibig ng Diyos tuwing mamasdan natin ang larawan ng pagsilang ng Manunubos sa ating Belen.


K. KATAGA NG BUHAY


Ang Diyos mismo ay nagbigay ng kanyang sariling imahen o larawan upang makilala natin siya:

Col. 1:15
Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay ng tanang nilikha.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS