KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK, B
PAMILYANG LUBOS NA BUKAS
Sa
paligid natin, maraming iba’t-ibang uri ng pamilya.
May
wasak na pamilya dahil sa alitan.
May hiwalay na pamilya dahil sa pagkakalayo-layo. May sugatang pamilya dahil sa sakit ng
paghihirap. May mga magulong
pamilya na hindi normal ang takbo at nagbubunga ng pagkasira ng mga miyembro
nito.
Kaya
nga, kailangan natin ang Banal na Pamilya ng Nasaret. Kaya nga, matapos ang
Pasko, nais ng Diyos na pagmasdan natin ngayon ang kanyang pamilya. Ito ang ating pangarap na pamilya, ang ating
modelong pamilya, ang ating inaasahang pamilya.
Paano
naging banal ang pamilyang ito? Dahil sa kanilang pagiging bukas.
Bukas
ang mga kasapi ng pamilyang ito sa Diyos: nang ninais ng Diyos na pumasok sa
daigdig, hindi Siya itinaboy ni Jose at Maria. Nang malaman nilang may plano
ang Diyos para sa mundo, masayang sinalubong nila ang Diyos kahit mahirap
maunawaan ang kilos ng Diyos.
Bukas
din sila sa isa’t isa: bukas-palad na tinanggap ni Maria na maging Ina ng Anak
ng Diyos. Malayang inako ni Jose
si Maria bilang maybahay kahit naguguluhan siya. Niyakap ni Hesus ang dalawang
simpleng mga taong ito bilang kanyang ama at ina sa lupa.
Bukas
sila sa kapwa: nang kailangan nang
mag-misyon si Hesus, hindi siya pinigilan kundi patuloy na sinuportahan ng
Kanyang pamilya upang makapaglingkod siya sa maraming tao.
Subalit
ang Banal na Pamilya ay hindi perpektong pamilya. Mayroon din silang mga
paghihirap, pagsubok at pagsusumikap tulad ng lahat ng pamilya. At mabuting
balita ito para sa atin. Hindi
kailangang maging perpekto ang ating pamilya upang maging banal ang ating
pamilya.
Ang
Banal na Pamilya ay binubuo ng mga tao na lubos ang pagiging bukas sa Diyos, sa
isa’t isa at sa kapwa. Sana sa tulong ng Diyos at sa pagsusumikap natin, maging
ganito rin ang ating mga pamilya.