PAGBIBINYAG SA PANGINOON, B
BUMALIK SA TUBIG
Isang babaeng writer na hindi naniniwala sa Diyos
ang nagsaliksik tungkol sa tema ng sex. Napagtanungan niya ang ilang mga
Katoliko at nadiskubre niya ang kakaibang pananaw ng mga ito tungkol sa
paksa. Iniwan niya ang kanyang
proyektong libro, at hiniling niyang mabinyagan bilang Katoliko.
Ang isang anak ng isang diktador na lider ng isang
bansa, ay punung-puno ng hiya at guilt sa ginawa ng tatay niyang pagpatay sa
napakaraming tao. Pumasok siya sa isang simbahang Katoliko at napansin niya ang
kapayapaan sa mukha ng mga taong nakatanggap ng Komunyon. Alam niya agad na ito ang hinahanap
niya sa buhay, at nagpabinyag siya bilang Katoliko.
Isang babaeng Protestante na dating diyakonesa at
naging babaeng-pari pa sa kanilang pamayanan, ay nakadama ng pagnanasang mas
maglingkod pa sa Panginoon. sa kanyang pagdarasal at pagsasaliksik, iniwan niya
ang kanyang trabaho sa simbahan nila, at ngayon ay isang madre na, matapos
humingi na matanggap sa simbahan bilang Katoliko.
Ano ba ang natagpuan ng 3 taong ito? Natagpuan nila
ang daan pauwi sa tahanan ng Ama, sa biyaya ng binyag, sa pagtanggap sa kanila
sa pamilya ng Diyos, ang simbahan.
Ang binyag para sa kanila, ay hindi lamang ritwal o
tradisyon, obligasyon o sosyalan. Sa halip, dito masusumpungan ang katotohanan,
kapayapaan, at paglilingkod sa iisang bayan ng Diyos.
Sa tulong ng binyag, tayo ay para sa Diyos
magpakailanman, bilang kanyang mga anak, bilang mga kapatid ni Hesus at
sisidlan ng Espiritu Santo. Marami
sa ating nakakalimot dito at hindi ito napapahalagahan kasi hindi masyadong
lumalago ang ating pananampalataya.
Habang tumatanda tayo, hanapin nating muli ang
kahulugan ng ating buhay sa Diyos, hanapin nating muli ang kahulugan ng
binyag. Tulad ng 3 ito na
nakatagpo na, bumalik tayo sa tubig na nagbago ng landas ng ating buhay;
tuklasin natin ang galak ng pagiging anak ng Diyos; hayaan natin maglangoy ang ating
puso sa pagmamahal ng Diyos na laging tumatawag sa atin.