IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
ITATAAS TAYO NG
SIMPLENG PASASALAMAT
Sa Mabuting Balita ngayon (Lk 17)
masayang inilalarawan kung paano nabuo ang araw ni Hesus at napuno siya ng
galak. Kahit isa lamang sa mga sampung pinagaling na ketongin ang nagbalik
upang magpasalamat, nag-uumapaw ang puso ng Panginoon.
Sa ating buhay na puno ng hamon
at paghihirap, mula umaga hanggang gabi, araw pagkatapos ng bawat araw, isa sa
mga mahirap gawin ang buksan ang bibig at umusal ng pasasalamat sa Panginoon.
Mahirap maalalang purihin at pasalamatan ang Diyos kung ang buhay ay parang
panay bugbog ang dala sa atin.
Pero sa mabuting balita isang
mahalagang batas ng buhay espiritwal ang sinasabi sa atin – ang pasasalamat at
papuri ang nagtataas sa atin mula sa mga paghihirap at nagdadala ng pag-asa,
kapayapaan at kagalakan.. kahit manatili pa ang pait, alam nating tayo ay
matagumpay na dahil alam pa rin natin kung paano magpasalamat.
Isang bunga ng paghihirap ay ang
mapanirang diwa ng pagiging talunan lagi. Sa halip na harapin ang buhay, ang
niyayakap natin ay pagkatalo, ang hinahanap natin ay kung sino ang sisisihin,
ang nais natin ay laging magreklamo at maging mapait ang buhay, ang inaasahan
ay laging kalingain ng iba na may pang-unawa at awa.
Pero kung matututunan nating
magpasalamat sa Diyos tuwina, kahit sa mga maliliit na bagay lang, magbabago
ang pananaw natin sa buhay, sa mga pagsubok at mga suliranin; magiging pag-asa
ang ating panlulumo. Hindi ba at maraming mabubuting bagay na nagaganap sa atin
dahil sa kabutihan ng iba, at lalo na sa dakilang pagpapala ng Diyos?
Ang diwa ng kawalang-halaga at
awa sa sarili ay naglalayo sa atin sa biyaya, pero ang pasasalamat ang
nagbubukas sa atin sa maraming kaloob ng Diyos. Sa Misa, ang dakilang
sakramento ng pasasalamat, magpasalamat tayo sa Diyos. Pagkatapos ng Misa, sa
harap ng mga simpleng tanda ng pag-ibig ng Diyos, magpasalamat din, na narito
siya lagi at hindi nang-iiwan. Sa iba, huwag laging magreklamo lamang, kundi
matuto din tayong magsabi ng “salamat po.”