IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
I-RECYCLE ANG BASURA
Mahal ng Diyos ang buong nilalang
niya. Ito ang sinasabi sa atin ng unang pagbasa (Karunungan 11).
Pinahahalagahan niya ang lahat ng kanyang ginawa. Kung ganito kabuti ang Diyos
sa mundo, paano pa kaya ang kanyang pag-ibig sa tao na kanyang kamukha at
kawangis? Di ba lalong ganap ang kanyang habag… at pinatatawad niya ang
kasalanan ng tao upang lalo pang magbagong-loob?
Nakakagulat nga ang unang pagbasa
kasi nauna pa ang pagpapatawad kaysa sa paghingi ng tao ng tawad. Tunay nga na
walang kondisyon ang pagmamahal sa atin ng Diyos. Mahal niya ikaw at ako kung
anuman tayo ngayon… at kapag natanto natin ito, doon mamumulaklak ang pagbabago
sa ating puso. Tunay nga na siya
ang “Panginoon at mangingibig ng mga kaluluwa.”
Paghahanda pa lamang ito sa
mabuting balita kung saan naroon ang nakatatawang tagpo ni Zakeo, ang mayamang
pandak. Sa Israel ngayon, sa bawat
pilgrimage, humihinto ang mga tao sa isang lugar na maraming punong sikamoro,
kung saan maaaring huminto rin ang Panginoon at tiyak na natawa pa nang makita
ang opisyal na tagasingil ng buwin na nakalambitin sa sanga ng puno para lamang
makita siya.
Ang mga salit ng Panginoon ay
puno ng pagmamahal at pagmamadali: bumaba ka agad! Walang oras na dapat
masayang. Mayaman ka pero malungkot, marangya pero iniiwasan, may posisyon pero
makasalanan sa husga ng iba – ngayon tutuloy ako sa iyong tahanan. Tinanggap ni Zakeo ang Panginoon na may
“kagalakan” – ibig sabihin hindi lamang sa kanyang bahay kundi sa kanyang puso
talaga!
Sa paligid natin, ang daling
itapon ang basura. Pero ang Diyos ay tila basurero na kumakalkal upang makita
ang puwede pang i-recycle na basura. Sa buhay natin, nagtatapon din tayo ng mga
taong sa tingin natin ay makasalanan at salot ng lipunan (ilan na ang namatay
mula ilang buwan pa lamang ang nakalilipas, na karamihan ay dukha at walang
laban, ang iba ay tiyak na inosente pa nga). Mahal ni Hesus ang mga ito tulad
ng pagmamahal niya kay Zakeo… at sa ating lahat.