IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
-->
MAGIGING MABAGAL BA
SIYA SA PAGSAGOT?
Pagdating ng kaibigan ko mula sa Middle East, tinawagan niya
ako at nagkuwento siya ng kanyang mga pagsubok doon. Hindi ko alam na grabe pala
ang pinagdaanan niya.
Nang matapos ang kontrata, kasama ang mga katrabaho niya,
nagpunta sila sa isang isla habang naghihintay ng renewal ng kontrata. Dumaan ang mga araw, ang mga linggo,
ang mga buwan – pero walang tawag mula sa employer. Umuwi na ang iba. Nagpasya
naman silang maghintay at makipagsapalaran pa. Samantala, naubos na ang mga
naipon niya. Isa sa mga kasamahan niya ay nag-suicide. Maraming na-depressed at
halos mabaliw sa lungkot at pag-aalala.
Ang kaibigan ko ay nagdusa tulag ng maraming kasama niya.
Buti na lang, naalala niya magdasal. Sumali siya sa isang Bible group ng mga
kapwa manggagawa. Nayanig ang kanyang pananampalataya at tila nais na niyang
bumitaw sa dasal at sa Bible group niya. Sa biyaya ng Diyos, inialay niya ang
lahat ng hirap sa Panginoon, umiiyak gabi at araw sa panalangin. Isang araw,
tumawag ang employer niya at pinabalik siya sa trabaho. Ngayon nasa ibang
kumpanya na siya at kuntento. Higit sa lahat, matibay ang kanyang
pananampalataya sa Diyos na patuloy na nakikinig sa ating mga panalangin.
Sa mabuting balita (Lk. 18:1-8) ang sabi sa atin: “Hindi ba
ibibigay ng Diyos ang karapatan ng mga taong tumatawag sa kanya araw at gabi?
Magiging mabagal ba siya sa pagtugon sa kanila?” Isa lang ang kailangan – huwag mawalang ng pananampalataya
sa gitna ng pagsubok: “pagbalik ng Anak ng Tao, matatagpuan ba niya ang
pananampalataya sa lupa?”
Isa sa pinakamagandang karanasan sa panalangin ay mula sa
pagninilay sa Salita ng Diyos, sa Bibliya. Sa ikalawang pagbasa (2 Tim 3) sinasabi
kung gaano ka-makapangyarihan ang Salita ng Diyos para sa ating mga pagsubok sa
buhay at kung gaano natin kailangan ito para lumago sa pananampalataya.
Nasa gitna ka ba ng pagsubok ngayon? Magdasal ka na
magkaroon ng matatag at malalim na pananalig at huwag bibitaw sa pagkapit sa
kamay ng Panginoon. Basahin at dasalin ang Bibliya. Sa iyong kahinaan, humugot
ng lakas, pananampalataya at pag-asa sa Salita ng Diyos.