IKA-WALONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A

-->
BAWASAN ANG PAG-AALALA



Ang galing siguro ng buhay na walang alalahanin, yung parang hindi apektado ng problema, o pagsubok o ng sasabihin ng iba. Pero tila ang konti naman ng mga taong ganito ang pananaw araw-araw. Baka nga marami sa kanila ay manhid lang or iresponsable o walang pakialam sa buhay.



Para sa marami sa atin, bawat araw ay may dalang bagabag. Paggising pa lamang, paano ba lulutasin ang mga hamon ng buhay? Mula sa pinakasimple hanggang sa pinakamahirap, puno ng alalahanin ang buhay na nanghihingi ng ating atensyon, nakakabaliw sa isip at nakakawala ng lakas.



Ang sarap tuloy pakinggan ang sabi ng Panginoon sa mabuting balita: huwag kayong mabahala. Kahit ito man ay pagkain, o kalusugan o kinabukasan, ang paanyaya ng Panginoon ay huwag mabahala. Pero sa puso natin, may sumisigaw. Natural kasi ang mag-alala. Kung hindi tayo mag-aalala, sino ang tutulong sa atin? Kung parang walang nangyayari, e baka sayang naman ang buhay.



Subalit, hindi sinasabi ng Panginoon na huwag tayong “magkaroon ng alalahanin.” Binibigyan niya tayo ng pormula para malampasan ang “pagkabalisa ng puso.” Itaas daw natin sa Ama sa langit ang lahat ng ito. Siya ang nagpapakain sa mga ibon sa parang, nagdadamit sa mga damong ligaw, at nakakaalam ng pangangailangan ng kanyang mga anak. Oo nga at bahagi ng buhay ang mag-alala. Pero sa halip na mabagabag, dapat tayong matutong magtiwala at magsuko ng lahat sa Panginoong Hesus.



Bawat Misa ay pinakamagandang panahon para magtiwala sa Diyos. Sinasabi sa atin lagi: Sumainyo ang Panginoon – Ito ay pagsasaad ng ating pananampalataya sa Diyos na hindi nagpapabaya o nang-iiwan sa gitna ng pagsubok. Dinadasal natin: Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa – Gusto ng Diyos na dalhin sa kanyang mga kamay ang nagpapahirap sa ating puso at nagpapabigat sa ating balikat. Bakit hindi natin hayaan ang Diyos na patunayan ang kanyang pagmamahal at paglingap sa atin? Ihagis natin sa kanya ang ating mga alalahanin. Mabuhay nawa tayong bawas sa bagabag at lumalago sa tiwala at pagsuko sa Diyos.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS