IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY, A – LINGGO NG DAKILANG HABAG
-->
MATINDING ALINLANGAN,
MATINDING PAPURI
Ano ba ang kakaiba kay Tomas?
Siya lang naman ang apostol na hindi “funny” o hindi “paniwalain,” hindi
madaling makumbinsi (Jn 11:16; 14:5). At dahil wala siya sa unang pagpapakita
ni Hesus, ayaw niyang maniwala kahit balitaan siya ng iba.
Sobrang mapagduda si Tomas na
meron pa siyang mga kundisyon para maniwala talaga: dapat kong makita! Dapat
kong mahawakan! Nagduda din naman ang ibang mga apostol noong una, pero si
Tomas ang talagang kinarir sa buhay ang salitang “duda.”
Pero nang lumitaw muli ang
Panginoon, matapos niyang batiin ang lahat, hinarap niya si Tomas at kinausap.
Inanyayahan ng Panginoong Hesus si Tomas na usisain siya; na hawakan ang mga
sugat niya. Sobrang gulat tiyak ni Tomas na nabasa ng Panginoon ang kanyang
isipan at narinig ang kanyang sinabi noong una.
Kaya malamang, hindi naman
nahawakan ni Tomas ang mga sugat ni Hesus. Malaking insulto ito kung gagawin pa
niya ito sa harap ng Kristong Nabuhay na Muli. Eto na siya at kitang kita niya
ang mukha na kanyang minamahal. Eto na at dinig na dinig niya ang boses na kay
dalas niyang pakinggan. Muling nagbalik ang pananampalataya!
At ang katawa-tawa, kung sino pa
ang sobrang nagduda, siya naman ngayon nagpahayag ng pinakamalalim na
pananalig: Panginoon ko at Diyos ko!
Mahirap ba sa atin na maniwala sa
pagmamahal at awa ng Diyos kung walang mga himala sa buhay natin? Dapat ba
talagang ang Diyos pa ang susunod sa kundisyones natin? Ang makita Siya ay
sapat na para sa tunay na alagad. Ang marinig Siya ay sapat na para sa isang
Kristiyano. At dito sa Eukaristiya, nakikita natin ang Panginoon sa Tinapay at
Alak; naririnig natin Siya sa kanyang mga Salita. “Mapalad ang mga naniwala
kahit hindi nila nakita.”