IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY A
-->
PAG-ASA SA MGA PUSONG
WASAK
Madalas na nating marinig ang
kuwento ngayon (Lk. 24: 13-35) tuwing Pagkabuhay. Pag narinig natin ang
salitang Emaus, tila alam na natin ang buong kuwento ng dalawang alagad na
lumayo mula sa Jerusalem at sa daan ay sinabayan sila ni Hesus at sinaluhan sa
hapunan.
Pero teka, muli nating pagmasdan
ang ganda ng salaysay na ito. Kay Lukas lamang ito makikita, at ito ang
pinakamahabang kuwento ng Pagkabuhay. Dito hindi lamang nagpakita ang Panginoon
kundi nagbigay pa ng turo tungkol sa kanyang paghihirap at pagkabuhay at ang
kaugnayan nito sa plano ng Ama.
Ang “dalawang” alagad na
naglalakbay ay kabilang sa mga alagad na hindi agad naniwala sa sinabi ng mga
babae. Nasiphayo sila kaya nais nilang lumayo sa Jerusalem. Pero habang
naglalakad, si Hesus pa rin ang kanilang paksa ng usapan. At biglang sumabay sa
kanila si Hesus. Hindi nila nakilala ang Panginoon. Iba kaya ang itsura niya
noon? Pero sabi ni Lukas, ang problema ay wala kay Hesus kundi ang mga mata ng
dalawa ang hindi nakakilala sa kanya.
Napagkamalan nila siguro siya na
isang ordinaryong Hudyo na dumalo sa Paskwa. Nagulat nga sila na tila walang
alam si Hesus sa mga naganap sa Jerusalem. Nagpanggap si Hesus na wala siyang
alam upang marinig ang damdamin ng dalawa. Lumabas na totoo ngang nasiphayo ang
mga ito (inaasahan pa naman namin… ililigtas niya ang Israel). Naalala nila ang
kuwento ng mga babae na noong una ay tinanggihan nila. Napansin ni Hesus na may
konting pag-asa pa sila pero walang pananampalataya. Kaya matiyagang
nagpaliwanag ang Panginoon sa kanila.
Abala sa pakikinig ang dalawa at
pinigil pa nga nila ang dayuhang kasabay nila upang manatili sa Emaus. Kahit
malungkot, hindi pa rin patay ang apoy ng pagiging alagad; naramdaman nilang
naglalagablab ang kanilang puso. At nang hatiin ni Hesus ang tinapay, doon nila
tunay na napagtanto na ito nga ang kanilang Panginoong Muling Nabuhay!
Hindi nila nakilala si Hesus sa
pakikinig ng paliwanag ng Kasulatan pero ito ang naging paghahanda para sa
pagbubukas ng kanilang puso. Doon sa paghahati ng tinapay (orihinal na kataga
kay Lukas) nabuksan ang kanilang mga mata. Gusto ng salaysay na ito na makita
nating sa eukaristiya lubos na nabubunyag ang Panginoon.
Minsan akala natin ay mas mapalad
ang mga unang Kristiyano dahil nakita, narinig, nahawakan nila ang Panginoon.
Pero ang kuwento ng Emaus ay paalala na ang pakikipagtagpo, pakikipag-usap,
pakikinig, pakikisalo kay Hesus ay nagaganap ngayon sa tuwing tayo ay nasa
Eukaristiya. Kung may pananampalataya tayo sa mga Kasulatan, at sa Katawan at
Dugo ng Panginoon, narito siyang tunay sa piling natin saanman tayo naroroon.
Sa tuwing nasa Misa tayo, mapalad tayong kapiling ang ating Panginoon at Diyos!