LINGGO NG PALASPAS A
-->
MISTERYO NG TAHIMIK
NA DIYOS
Sa bago at napakagandang
pelikulang “Silence” ni Martin Scorsese, batay sa nobelang ganito rin ang
pamagat, ang bida ay isang misyonero mula sa Europa. Nagdusa siya dahil nakita
niya ang paghihirap ng pinag-uusig na mga mahihirap, mahihina at walang
kalaban-labang mga Kristiyano sa Japan. Sa puso niya nabuo ang isang
tunggalian. Alam niyang mapagmahal ang Diyos pero bakit tila hindi niya
tinutulungan ang kanyang mga anak? Bakit kapag nagdarasal siya, walang ibang
tugon kundi “katahimikan” lamang?
Ngayong mga Mahal na Araw ito
siguro ang tanong din sa puso natin. Nagdasal si Hesus sa Getsemane. Di tulad
sa dasal niya noong dati, mabigat at madilim ang panalangin sa hardin. Hiniling
niyang alisin sa kanya ang kopa ng paghihirap pero walang sagot sa kanyang
panalangin.
Sa krus, habang nakapako, ang
isip ni Hesus ay nakatuon sa isa lamang – sa Ama. Ililigtas kaya siya? Tutulungan
kaya siya? “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Tulad sa Getsemane,
isa lang ang tugon – katahimikan.
Ano kaya ang naglalaro noon sa
isip ni Hesus? Humiling na iligtas pero lalong ipinahamak ng mga kaaway.
Humingi ng konting lugod pero ang napala ay pagpapako sa krus? Naghanap ng
kakampi pero nagdusa, naghirap mag-isa, iniwan ng mga alagad, at tila iniwan
din ng Ama.
Ito rin siguro ang tanong sa puso
natin. Ilang beses ba tayong iniwan gayung nagdasal tayo ng suporta? Ilang
beses ba tayong umiyak sa gabi at walang dumamay sa atin? Gaano katagal tayo
lumuhod sa altar at umuwing walang sagot na dala maliban sa katahimikan?
Pero pagmasdan nating mabuti si
Hesus upang maunawaan ang misteryo ng katahimikan. Sa Getsemane, nagdasal
siyang maligtas pero walang sagot. Noong bandang huli, hindi ba’t tumayo siyang
malakas ang loob at hinarap ang mga kaaway pati ang kamatayan? Sa krus,
nag-iisa nga siya pero hindi ba ang sigaw niya ay “Diyos KO,” “Ama KO?” Kahit sa
gitna ng katahimikan ng Ama, sa puso ni Hesus, nag-umapaw ang tiwala sa Ama.
Misteryo ang katahimikan ng Diyos pero misteryo din ang tiwala sa puso ni
Hesus.
Ngayong mga Mahal na Araw, kumuha
tayo ng lakas sa halimbawa ng Panginoon. Maaaring kalaban natin ang buong mundo,
at tila pati Diyos iniwan na tayo. Pero sa gitna ng lahat, ilabas nating
todo-todo ang tiwala sa ating puso para tulad ni Hesus, patuloy tayong maniwala
at umasa sa Ama. Pagkatapos ng Krus darating ang Pagkabuhay!