DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON

-->
TANGGAPIN ANG ALINLANGAN



Sa isang klase ng mga estudyante sa doctorate-level, tinanong ng propesor ang lahat tungkol sa pananampalataya. Sabi ng isa, matagal na daw nawala ang kanyang pananampalataya at hanggang pagkabata lamang daw niya ito. Sambit ng isa pa, naniniwala pa rin siya pero ang dami niyang tanong at duda sa maraming bagay. Ang propesor naman ang nagsabi na matagal na siyang hindi pumapasok sa simbahan kasi wala namang naidadagdag ito sa kanyang kaalaman at paglago.



Ang sarap isipin na maayos na ang lahat dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus natin; na napawi ng Easter ang duda, pag-aatubili, at mga tanong tungkol sa pananampalataya. Subalit maging ang mga ebanghelyo ang nagpapakita na pati ang mga malalapit kay Hesus ay hindi malunok lahat ng naganap kahit pa ang kanyang Pagkabuhay na muli. Hayan si Tomas, ang dalawang papunta sa Emaus, ang mga alagad na ayaw maniwala sa mga babaeng galing sa libingang wala nang laman.



Sa mabuting balita ngayon, sabi ni San Mateo: sinamba nila siya, subalit may ilang nag-alinlangan (Mt. 29:17). Magdududa ka nga ba sa harap ng Nabuhay muli? Kahit nakikita mo na siyang umaakyat sa langit?



Pahiwatig sa atin ng ebanghelyo na ang pagdududa ay bahagi ng paniniwala. Walang sumasampalatay nang siyento porsiyento. Hindi ganoon ka-cheap ang pananampalataya. Kailangan dito ang puhunang dedikasyon, pagsuko, tiwala at pagtalima – lahat ito ay mahirap gawin. Hindi madali ang pananampalataya. Kahit ang mga pinakamalapit kay Hesus ay nakipagbuno sa alinlangan. Maraming mga tao ngayon ang naniniwala pero sa puso nila ay may duda pa rin, dahil sa mga karanasan, o kaganapan sa buhay o dahil kailangan lang nila ng higit pang tulong mula sa langit.



Ang mabuting balita ay ito – si Hesus ay hindi nadidismaya dahil sa ating mga pagdududa. Hindi niya sinasabi: Iyong mga buo ang pananampalataya lamang ang puwedeng sumunod sa akin. Iyong iba diyan, humanap na kayo ng mapupuntahan.” Niyayakap ni Hesus kapwa naniniwala at nag-aalinlangan. Nagpakita siya sa kanila. Tumugon siya sa kanila batay sa kapasidad nilang maniwala.



Tiyak ako na tayo’y nagdarasal, nagsisimba, nagde-debosyon, at nagsisikap maging mabuting Kristiyano pero may konting duda pa rin sa isang sulok ng ating isip at puso. Huwag matakot. Huwag mahiyang tumawag pa rin sa Panginoon. Alam niyang hindi madali ang iyong pinagdaraanan. Isang araw, hihipuin niya at aalisin ang pag-aalinlangan. Basta, patuloy tayong sumamba kahit minsan nagdududa. Tinatanggap niya tayo; siya lamang ang nakakaunawa sa atin nang ganito.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS