IKALIMANG LINGGO SA PAGKABUHAY A
WALANG IKATATAKOT
“Huwag kayong
mabagabag.” Sa mga salitang ito, hindi nais ng Panginoon na maging impraktikal.
Siyempre alam niyang maraming gusot sa paligid natin, sa mga bansa, relihyon,
lahi, maging sa pamilya; kayraming gulo sa palibot. Pero ang binabantayan ni
Hesus ay isang bagay lamang – ang puso.
May isang lugar kung saan kaya nating bawiin ang ating
kapayapaan, gaano man kagulo, nakalilito o nakaliligalig ang kapaligiran. May
isang lugar kung saan kaya nating ipahayag ang ating tagumpay laban sa mga
problema at sigalot ng buhay. Iyan ang puso!
Bakit nagugulo ang puso? Naliligalig tayo kapag hindi tayo
sigurado sa susunod na kabanata. Maraming pagkabagabag ang dala ng takot na
hindi pa nangyayari – mga banta na sa isip lamang nagmumula. Kapag hindi natin
alam ang bukas, hindi ba at nalalaglag tayo sa ating upuan? Kaya nga pangako ng
Panginoong Hesus: sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid! May lugar para sa
atin doon. May nakahandang mabuti ang Diyos para sa ating bukas!
Higit pa diyan, sabi ni Hesus: Ako ang daan, ang katotohanan
at ang buhay. Ang naniniwala ay hindi magiging abala sa mga bagay na hindi niya
alam, dahil ang Diyos ang batayan ng lahat ng pangakong mabuti at kaaya-aya.
Nababagabag din ang puso kapag pakiramdam nito ay hindi
sapat o kulang. Ito ang takot na umuusbong sa “hindi ko yata kaya e.” Hindi ko
kayang gawin. Hindi ko kayang magtagumpay. Hindi ko kayang mabuhay, atbp. Kaya
nga sabi ng Panginoon, masdan ang kanyang mga gawa, ang mga nakaya niyang
gawin. Ang kanyang mga salita at kilos ay binasbasan ng Diyos at magiging
pagpapala din sa mga nagtitiwala sa kanya. Ang isang Kristiyano ay laging
“kaya” ang naumang naisin nitong abutin: “sinumang naniniwala ay magagawa ang
aking mga gawa, at gagawa ng higit pa dito…”
Ngayong Pagkabuhay, sanayin natin ang ating puso na
magtiwala, sa halip na matakot. Turuan natin ang puso na maging matapang, sa
halip na magduda sa anumang magagawa ng Diyos sa ating buhay at sa pamamagitan
natin, sa buhay ng iba.