DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD
-->
PAG-IBIG NA
NAKIKIRAMDAM
Heto na naman ang panahon upang
unawain, tanggapin at ipagdiwang ang pinakamalalim na misteryong nakilala ng
daigdig. Paano nga ba mabibigyang saysay ang Santissima Triniday – ang ugnayan
ng Ama, Anak at Espiritu Santo na nagliligtas at nagbibigay buhay sa atin
bilang mga Kristiyano?
Ang Santissima Trinidad o Banal
na Sangtatlo ay kasaysayan ng pagmamahal, na ibinuhos at ibinahaging walang
pag-iimbot, pamimili o pagtatangi. Basta ito ay umaapaw na pag-ibig na mula sa
sakripisyo. Hindi para sa utak lamang kundi para sa buong pagkatao ang
misteryong ito. Nakikiramdam ang Diyos sa ating situwasyon ngayon at tinutugon
niya tayo sa pamamagitan ng kanyang tatlong paraan ng paglingap at pagkahabag.
May isang kabataang hirap daw
maging mapagmahal kasi hindi naman niya naranasang mahalin ng kanyang ama sa
pagkabata niya. May isang tao naman na gulat sa ugali ng kapatid niyang ayaw
siyang hatian ng pamana ng kanilang mga magulang. Isang tao ang nagsisikap na
mamuhay sa lugar kung saan walang kaibigang makakausap o matatakbuhan.
Kapag hindi naranasan ang
pag-ibig ng isang magulang, malasakit ng isang kapatid o gabay ng isang
kaibigan, paano nga ba mailalarawan ang pagmamahal ng Diyos na Tatlong Persona?
Mahirap ang doktrinang ito kung hindi naramdaman dahil ang tunay na pakay nito
ay makilala bilang buhay at totoo.
Kaya nga dapat tayong magdasal na
maging sensitibo at nakikiramdam sa pag-ibig ng Diyos na dumarating saanmang
situwasyon. Sa pag-alala ng isang kaibigan, pagkalinga ng kapamilya o kabutihan
ng dayuhang ngayon mo lang nakilala. Sulyap lang ito sa pag-ibig ng Diyos.
Maaaring hindi natin masumpungan ang buong-buo pero hindi magkukulang ang Diyos
na ipadama ito sa atin sa paraang hindi natin inaasahan.
Pero hindi ito natatapos doon.
Kung naniniwala tayo sa iisang Diyos na may tatlong Persona, kapag naramdaman
natin ang pag-ibig niya, dapat natin itong ibahagi sa paraang malikhain sa
kapwa. Hindi kulang ang situwasyon na maaari tayong maging mahabagin tulad ng
Ama, mapagbigay tulad ng Anak na si Hesus, at mapang-likha ng pagkakaisa at
pagkakaunawaan tulad ng Espritu Santo.
Para makilala ang Santissima
Trinidad, ang Diyos, pakiramdaman ang pag-ibig sa paligid mo. Para paniwalaan
ang Santissima Trinidad, maging sensitibo at damahin ang mga paraang hinahamon
ka ng Diyos na tularan siya sa paglilingkod at pagmamahal. Maging Ama, Anak at
Espiritu Santo sa kapwa mo ngayon!