IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A


LIGTAS SA KANYANG YAKAP



Ninenerbiyos ka ba na baka ang nabili mong bigas ay peke, tulad ng sabi sa balita? Natatakot ka ba na baka narito na sa Maynila ang mga teroristang Maute? Kinakabahan ka ba na baka nga ang susunod na target ng ISIS ay ang Pilipinas?

Ngayon, natural lamang na maapektuhan ng mga kaganapan sa ating paligid. Nariyan ang terorismo sa Mindanao, krimen sa kalsada, at halos walang magandang balitang naririnig o nababasa.

Naaapektuhan din tayo ng mga pangyayari sa ating personal na buhay. ang daming iniisip sa bahay. Ang daming alalahanin sa trabaho. Ano ba ang mangyayari sa akin? Ano na ang mangyayari sa aking mga mahal sa buhay?

Pero may mabuting balita ang Panginoon para sa atin ngayon. Huwag kang matakot (Mt. 10:26). Ito ang payo ng Panginoon, ang kanyang habilin, ang kanyang utos. Huwag kang panghinaan ng loob. Huwag hayaang magupo ng sindak. Huwag kang mawawalan ng pag-asa.

Paano natin ito magagawa?

Kailangan tayong makipag-ugnayan sa Diyos araw-araw. Maniwala ka sa iyong puso na anuman ang iyong pinagdadaanan, mahalaga ka sa mga mata ng Diyos. magtiwala ka sa kanyang kapangyarihan at pagmamahal para sa iyo.

Anuman ang dilim ng iyong landas ngayon, anuman ang laki ng problemang kinakaharap, anuman ang lalim ng hukay na kinahulugan mo, magtiwala kang hindi ka pababayaan ng Panginoong Hesukristo. Bago daw mabihag ng teroristang grupo sa Marawi ang pari na si Fr. Chito ay nasabi niya sa isang kakilala niya na hindi sila natatakot kahit sila ay mamatay sa gitna ng kaguluhan. Saan humugot ng lakas ng loob ang paring ito, ang mga Kristiyano doon, pati na rin ang mga kapatid nating Muslim? Saan pa, kundi sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Magtiwala tayo na kasama nating ang Diyos at sabihin nating sa sarili: Kasama ang Panginoon, malalampasan ko ang lahat ng bagay. Sa tulong ng Diyos, matatapos din ang lahat ng pagsubok sa aking buhay.

Totoo ang sabi ng Panginoon, na kung ang mga ibon ay inaalagaan ng Ama, tayo pa kayang mga anak niya?

Huwag matakot! Laging kumapit sa Diyos! Patuloy na magtiwala sa kanya araw-araw.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS