IKA-LIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY B
-->
ANG KAAWAY NA NASA PINTUAN
Isang kabataan sa simbahan ang
nagimbal sap ag-uwi ng bahay niya – naroon ang ama at nagluluto sa kusina. Ilang
taon ang nakalilipas, lumayas ang amang ito upang maki-apid sa ibang babae,
sanhi ng paghihirap ng pamilya. Hinarap ng kabataan ang kanyang ina at humingi
ng paliwanag kung bakit tinanggap nito muli ang ama. Malumanay na ipinaalala ng
ina sa anak na kahit hindi siya aktibo sa simbahan, hindi niya maatim na
ipagkait sa asawa ang pusong mapagpatawad at mahabagin. Napahiyang tumalikod
ang kabataan at unti-unting napaluha.
Nagkaroon ng malaking impluwensya
ang Pagkabuhay ng Panginoon sa maraming tao, kahit sa hindi mga Kristiyano. Ang
anino ng dakilang pangyayaring ito ay dumampi maging sa pinakamatigas na puso
tulad ng kay Saulo, na dating punong tagapagtuligsa ng mga Kristiyano. Naging mahirap
ito sa mga mananampalataya, sabi nga sa Gawa 9, na takot sila kay Saulo at
hindi segurado sa napabalitang pagbabalik-loob nito.
Tumayong tagapagtangkilik ni
Saulo si Bernabe at dinala siya nito sa mga alagad upang patotohanang tunay ang
pagbabago nito. Tinanggap naman ng mga alagad si Saulo at inialok ang
pagpapatawad, pagkakasundo at pagkakapatiran. Unti-unting natanggap ng
pamayanan si Saulo, at iniligtas pa nga nila ang kanyang buhay sa mga
nagtatangka ng kanyang kamatayan.
Sa kanyang kamatayan at
Pagkabuhay, hindi lamang pinatawad ni Hesus at binigyan ng bagong buhay ang mga
kaaway niya. Ipinakita din niya sa mga alagad kung paano makitungo sa mga
kaaway, naninira, namumuhi, at mga taong magaspang ang ugali. Hindi paghihiganti,
hindi panghuhusga, hindi pagtataboy. Ang tanging tugon ng Panginoon ay
kapatawaran, habag, at pag-asang magbabalik muli ang mga alibugha. Dahil dito,
naging batobalani ang Panginoong Muling Nabuhay para sa mga makasalanang nais
umuwi sa yakap ng Ama at para sa mga nagdududa at nag-aalinlangan na nais
maniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig at paglilingkod. Ganito naakit si Saulo,
ang kaaway ng mga Kristiyano na naging si Pablo, ang dakilang apostol ng mga
bansa.
Baka sakali, sa panahong ito ng
Pagkabuhay, tinatawag din tayong tanggaping muli ang mga lumaboy mula sa ating
piling, patawarin ang mga nakasakit sa ating damdamin, kalimutan ang mga kasalanan
ng iba laban sa atin, at pasulong na maglakbay tungo sa paghilom. Sa linggong
ito, alalahanin natin ang mga taong naging kaalitan natin at ipagdasal nating
gawaran tayong lahat ng Panginoon ng pagkakasundo, kapayapaan, at pagkakaibigan
kay Kristo. Isipin din natin kung paanong baka nalayo tayo sa iba dahil sa
ating pagkakamali at matapat na pagsisihan ang mga nagawa natin upang umusbong
tayong muli bilang mga taong may mga bagong puso.