IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY B
-->
TUNAY NGANG ANAK NG
DIYOS
Sino si Hesus para sa mga alagad
niya? Akala natin sa simula pa lang malinaw na sa mga alagad kung sino ang
kanilang sinusundan. Hindi ba ipinahayag ni Pedro na si Hesus ang Anak ng Diyos
at Mesiyas? Hindi ba sinabi ni Santiago at Juan na handa silang inumin ang kalis
na iinumin din ng Panginoon?
Subalit ang totoo, ang
pananampalataya ng mga alagad kay Hesus ay mahina, pabago-bago at kulang. Si Pedro
ay nagtatuwa sa Panginoon mas maraming beses kaysa ginawa ni Hudas. Sina Santiago
at Juan naman ay nag-akalang uupo sila sa kanan at kaliwa ni Hesus sa Kaharian.
Ang ibang mga alagad naman ay nakibahagi sa pagkamangha, pagkalito at
pagkasiphayo sa mga kaganapan sa buhay ni Hesus ng Nasaret.
Nagbago ang lahat pagkatapos ng
Pagkabuhay. Bilang mga saksi sa luwalhati ni Hesus, tumibay ang pananampalataya
ng mga alagad sa Panginoon. Dahil sa nakita nila at dahil sa itinuro ng
Espiritu Santo, si Hesus na ngayon ang sentro ng kanilang buhay at handa silang
ialay lahat-lahat para sa kanya. Pangunahing paninindigan nila ngayon: si Hesus
ay Anak ng Diyos; si Hesus ay nasa gitna ng mismong puso ng Diyos.
Sa unang pagbasa (Gawa 3)
binabanggit ang Diyos ni Abraham, Isaac at Jacob. Subalit ang Diyos ng mga
bayani ng Israel ay tunay na Ama ni Hesukristo. Tulad ng Ama, siya “ang
may-akda ng buhay” kaya nang patayin siya ng mga tao, sinagip ng Ama ang kaniyang
minamahal. Nagsalita ang Diyos “sa bibig ng mga propeta” pero kay Hesus na
Anak, naisakatuparan ang lahat ng mga pangako niya. Sa ikalawang pagbasa (I
Juan 2) tinatalakay ang matatag na ugnayan ni Hesus at ng Diyos dahil si Hesus ang
ating Tagapagtanggol o Patnubay sa harap ng trono ng Diyos.
Kayrami ngayong mga turo, opinyon
at doktrina tungkol sa Panginoong Hesukristo. Maraming nagpapawalang-halaga sa
kanyang kaugnayan sa Ama. Ang iba naman ay nais ipakitang malayo si Hesus sa
kanyang kasaysayan bilang tao. Ang pananampalataya ng mga alagad sa Pagkabuhay
ang siyang gabay natin sa pagtahak sa gitna ng mga kalituhang ito. Si Hesus,
lalaking taga-Nasaret ay tunay na Anak ng Diyos. Karapat-dapat siyang sambahin
at purihin. Karapat-dapat siya sa ating katapatan at pagmamahal.
Ngayong Pagkabuhay, palalimin pa
natin ang ating kaugnayan kay Hesus na muling Nabuhay. Siya ba talaga ang
sentro ng buhay mo? Siya ba ang Panginoon ng iyong mga iniisip at ikinikilos? Nararanasan
mo ba ang kapangyarihan ng kanyang Pagkabuhay sa pamamagitan ng kapayapaan at
pagpapatawad (Lk 24) na dulot niya sa
buhay mo?