ANG DAAN NG KRUS SA PANAHON NG CORONA VIRUS






PAMBUNGAD



Luwalhatiin natin sa Krus si Hesus.

Iniligtas niya tayo’t pinalaya

Sa pamamagitan niya natagpuan ang kaligtasan,

Buhay at pagkabuhay.



PAGHAHANDA



Ihanda ang sarili sa panalangin. Ilagay ang sarili sa harapan ng Diyos na handang sumama sa kanyang Anak sa daan ng Kanyang hirap, kamatayan at kaluwalhatian. Ialay sa kanya ang anumang tila nakababagabag sa iyo na maaring makasagabal sa iyong pananalangin upang higit itong maging makahulugan sa iyo. Ihingi ng tawad and anumang pagkukulang o pagkakasalang maalaala sa sandaling ito.



Katahimikan



PANALANGIN



Panginoon, kakaiba ang Kuwaresmang ito. Gaganapin namin ang karaniwang mga pagdiriwang halos lahat sa loob ng aming tahanan. Panonoorin namin ang mga pagdiriwang sa simbahan mula sa aming mga telebisyon at computer. Mangungulila kami sa mga nakaugaliang makulay at makabuluhang ritwal, prusisyon, pabasa at Visita Iglesia.



Lahat ng ito ay dahil sa bumabalot na takot sa buong mundo ngayon dulot ng corona virus. Natigil man ang ikot ng dating mundo, patuloy naman ang paglago ng pananampalataya at pananalig sa Iyo. May limitasyon man ang pagpasok sa mga simbahan, bukas naman ang daluyan ng biyaya mula sa Iyong mapagpalang mga kamay.



Itulot mo pong ipagdasal namin ang mga lubos na naapektuhan ng virus magpahanggang ngayon – ang mga nagkakasakit pa, ang mga hinihinalang maysakit, ang mga magigiting na frontliners sa ospital, pamilihan at lansangan, at ang mga yumao na dahil sa sakit na dulot ng virus.



Naway matuto kaming magmahal tulad ni Hesus sa aming kapwa tao at sa lahat ng nilalang mo sa daigdig na ito. Sa pamamagitan ni Kristo, kasama mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.





UNANG ISTASYON: Hinatulan si Hesus ng kamatayan



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Mk 15:1-5, 15



Katahimikan



Pagninilay



Binihag ka Panginoon, at hinatulan ng kamatayan.



Hindi ito makatarungan subalit isinagawa pa rin nila – kahit ikaw ay walang sala.



Libu-libo sa ating mundo ngayon ang tila bihag na hindi alam ang kanilang kahihinatnan: mga tao sa barko, hotel, lungsod, kapitbahayan, mga lumikas sa kampong militar, mga taong nakakulong sa bahay at nakabukod sa kapwa.



Mga inosenteng biktima din sila: biktima ng isang karamdaman na hindi nakikita, nalalasahan o nadarama.



Ipinagdarasal po naming ang mga nasa piitan at kulungan, nasa himpilan ng immigration, at iyong mga naghahanap-buhay doon upang mapangalagaan ang kalusugan ng lahat.



Ipinagdarasal po namin sila. Maranasan nawa nila ang iyong presensya. Bantayan mo po sila. Espiritu Santo, gawaran mo po sila ng kapayapaan.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKALAWANG ISTASYON: Pinasan ni Jesus ang kanyang krus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Jn 19:6, 15-17



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, binigyan ka ng krus, mabigat na pasanin na puno ng pahirap, kamatayan at pagdurusa ng buong sangkatauhan.



Ang pagkakalayo ng aming buhay sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ay isang pabigat na napakahirap pasanin.



Ito po bang pagkakalayo, kamatayan at karamdaman na nararanasan sa mundo ngayon mula virus na ito ay bahagi ng krus na iyong dinala?



Kumapit nawa kami sa iyong pagmamahal at sa iyong pagbubuhat ng krus upang makalampas sa mga pagkakataong ito nang hindi mawaring kinabukasan.



Bantayan mo po  kami. Espiritu Santo, ipakita mo po sa amin kung paano tanggapin ang krus ng pandemyang ito at umusad mula dito.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKATLONG ISTASYON: Nabuwal si Jesus, sa unang pagkakataon



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Is 53:  4-7



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, nadapa ka sa bigat ng krus na iyong pinasan at sa sakit ng mga sugat na iyong tinamo.



Ang daan ay hindi madaling lakarin, at ang lahat ng ito ang nagpadapa sa iyo sa lupa.



Ang coronavirus ay hindi inaasahan at nagdulot sa aming mundo, bansa, at pamayanan na mapaluhod sa pakikipaglaban sa di nakikitang sakit na iba’t-iba din sa bawat tao.



Isa-isang bumabagsak ang mga bansa… subalit kung paanong hindi ka sumuko, hindi rin susuko ang sangkatauhan na iyong nilikha.



Bantayan mo po kami.



Espiritu Santo, sa tulong mo, ang mundo nawa ay bigyang karunungan na makatayong matibay laban sa karamdaman.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKA-APAT NA ISTASYON: Nasalubong ni Jesus ang kanyang Ina



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Lk 2: 25-40



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, mahal ka ng iyong Ina at mahal mo din siya.



Ang makitang kang napakahina at pagud na pagod ay napakahirap para sa kanya.



Nawa ang mga pamilya sa mundo, sa aming bansa, sa aming pamayanan ay magtipon at  magkaisa at magtulungan sa panahong ito ng pagsubok.



Nawa ang panahong ito ng pagsasama sa tahanan ay maging pagpapala upang lalong magkakilala ang bawat isa at magmalasakit para sa isa’t-isa nang may pagmamahal na lubos.



Bantayan mo po kami.



Espiritu Santo, pagbuklurin mo po kami at tulungang maging panatag ang bawat isa.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKALIMANG ISTASYON: Inatasan si Simon na pasanin ang krus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.


Pagbasa: Mk 15: 16-21



Katahimikan



Pagninilay



Mabigat ang krus at bumabagal ang mga hakbang mo, Panginoon.



Inutusan nila si Simon na tulungan ka.



At pakumbaba mong tinanggap ang kanyang tulong.



Alam naming sa panahong ito ng pandemya bawat bansa ay nagsasaliksik at nagsisikap labanan ang virus, pagalingin mo nawa po ang mga mamamayan at makatagpo ng lunas o gamot na makatutulong.



Ipinapanalangin namin ang mga nasa World Health Organization, mga sentro ng pagsugpo ng karamdaman, ang mga nahalal na opisyal, upang gumawa ng mabuting pasya para sa kapakanan ng lahat at gamitin nang tama ang pondo ng bayan.



Nawa ang mga opisyal ng pamahalaan at mga grupong medikal sa lahat ng bansa ng daigdig ay umayon at maging handang ibahagi ang mga karunungan sa isa't-isa upang, sama-sama, sa gabay ng Espiritu Santo, matutunan natin kung ano ang mabisa at kung paano maingat na harapin ang krus ng karamdaman.



Bantayan mo po sila. Sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod nawa’y maidulot nila ang pagpapagaling.



Espiritu Santo, gabayan mo po sila.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKAANIM NA ISTASYON: Pinunasan ni Veronica ang mukha ni Jesus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Is 53: 2-3



Kahahimikan



Pagninilay



Panginoon, dugo, pawis at dumi ang nakabalot sa mga mata at mukha mo at nagiging mahirap makita ang iyong daraanan.



Nang matimyas at buong pagmamahal at paglingap na punasan ang iyong mukha, nagkaroon ka ng konting ginhawa.



Naghahanap tayo ng mga paraan upang ibsan ang pangamba at takot sa mga tao, at mga paraan upang pangalagaan at magbigay ng impormasyon na walang pagkatakot at pagkakagulo.



Isinasama naming sa panalangin ang mga kaparian na patuloy na nakikipag-ugnay sa mga may karamdaman at nagdarasal para sa kanila. Ingatan mo po sila.



Ipinagdarasal namin ang pamayanang medikal na nangangalaga sa maysakit at nagtatrabaho ng walang sawa sa loob ng matagal na panahon.



Ingatan mo po sila, at bigyan ng karunungan.



Nawa ang bawat bansang naghahanap ng pagsugpo ng virus ay maging halimbawa para sa buong daigdig.



Bantayan mo po kami. Espiritu Santo, tulungan mo po kaming magtiwala at huwag matalo ng takot.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKAPITONG ISTASYON: Nabuwal si Jesus, sa ikalawang pagkakataon



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Awit (Salmo) 38: 6-22



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, nagapi ka ng panghihina at nabuwal dahil sa bigat ng krus na pasan mo alang-alang sa amin.



Nananalangin kami para sa kahinaan ng sistema ng aming pamahalaan at sangay pangkalusugan na labanan ang hindi pa lubos na nakikilalang coronavirus.



Wala pa kaming karanasan tulad nito at kailangan namin ang iyong tulong sa pagsugpo dito.



Mas malakas kami kung nagkakaisa kaysa kung nagtatalo sa mga patakaran at alituntunin,



Tulungan mo po kaming makita ang aming kahinaan at ayusin ito at magtulungan para sa kabutihan ng buong sangkatauhan.



Bantayan mo po kami.



Pagkaisahin mo po kami.



Espiritu Santo, turuan mo silang isantabi muna ang mga di pagkakasundo, at tulungan mo po kaming harapin ang pagsubok, gawin ang iyong gampanin dito sa mundo.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKAWALONG ISTASYON: Nagsalita si Jesus sa mga kababaihan ng Jerusalem



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Lk 23:27-31



Katahimikan



Pagbasa



Panginoon, ang ilan sa iyong mga kaibigan ay nagnais na tulungan ka sa panahon ng pinakamatindi mong pangangailangan.



Sa mga panahon ng paghamon nakikita naming ang mga pamilya at magkakaibigan na nagtutulungan.



Nakikita namin na ang mga magkakakilala man o dayuhan sa isa’t-isa ay nagpapakain ng mga taong walang makain, nagbibigay ng mga pangangailangan ng mahihirap.



Nakikita namin ang mga manggagawang medikal na inilalagay ang sarili sa panganib para lamang makatulong sa mga maysakit, kahit minsan hindi nila alam kung ang hinaharap nila ay seryosong karamdaman o simpleng sipon lamang.



Panalangin po namin na ang mga nag-aalala sa mga mahal sa buhay at ginagawa ang lahat upang alagaan sila dito sa aming kapitbahayan.



Bantayan mo po sila.



Hikayatin mo po sila.



Espiritu Santo, bigyan mo po sila ng pang-unawa sa pag-asa.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKASIYAM NA ISTASYON: Sa ikatlong pagkakataon, nabuwal uli si Jesus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Ebreo 4: 15-16



Katahimikan



Pagbasa



Panginoon, ang mga kirot mula sa iyong ulo hanggang paa ay nakapapaso na at nakapanlulumo na.



Kayhirap ituon ang isip sa bawat paghakbang, at ang sakit ay sobrang tindi na nabuwal kang muli.



Mahirap unawain kung ano ang pinagdaanan mo.



Ang hirap ding maunawaan na nabubuhay kami sa panahong ito kung saan ang isang munting virus lang pala ang makapagpapatigil sa mundo.



Ipinagdarasal namin ang mga taong nagsasamantala sa kapwa sa pamamagitan ng paghahakot at pagtatago ng mga pangangailangan o kaya naman ay pagtitinda ng mga ito sa napakataas na presyo.



Ito ang nagmimitsa sa pagkakagulo, pagkasiphayo at pagkagalit.



Bantayan mo po kami.



Baguhin mo po ang mga puso namin.



Espiritu Santo, hipuin mo po ang kanilang puso upang itigl ang masasamang gawain,



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…







IKA-SAMPUNG ISTASYON: Hinubaran si Jesus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Jn 19:23-24



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, nang hinubad ang iyong kasuutan, nilibak ka at binusabos.



Nakikita naming may mga nililibak sa dahilang pinaghihinalaan silang may taglay na virus.



Humihingi kami ng patawad sa mga pagkakataong natakot kami sa kapwa dahil sa kanilang kultura, lahi, edad, piniling kasarian, o sa antas ng kanilang pananalapi at pinag-aralan.



Lahat po kami ay iyong mga anak at dapat lamang magturingan na may dangal at paggalang.



Ipinanalangin namin ang mga bansa at bayan kung saan mas malala ang virus: ang mga taong may iniindang mga sakit, ang mga matatanda, at ang mga may kapansanan.



Bantayan mo po sila.



Patatagin mo sila.



Espiritu Santo, buksan mo po ang kanilang mga mata sa anumang di pantay at di makatarungang pagtrato sa kapwa at bigyan mo po kami ng tapang na ipagtanggol ang mga nangangailangan.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKALABING-ISANG ISTASYON: Ipinako si Jesus sa krus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Lk 23:33-34



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, ipinako ka sa krus at itinaas para makita nang lahat at hatulan.



Ang paghihirap at kamatayan ay tumagos sa buong  katawan mo sa bawat hininga mo.



Hindi ka iniwan ng iyong ina, at ng ilang mga kaibigang matapat na nagtanod sa harapan mo.



Sa gitna ng pasakit, nakuha mo pang damayan ang magnanakaw sa tabi mo at ialay sa kanya ang kaligtasan.



Naghahanap din kami ng paniniguro sa panahong ito.



Ilan sa amin ang takot sa kamatayan ng aming kaginhawahan.



Apektado na ang mga trabaho.



Nagbago ang buhay mula nang ilang linggo pa lamang dahil sa naganap sa buong mundo.



Nangako kang hindi mo kami iiwang nag-iisa.



Maunawaan nawa ito ng lahat at kilalanin ang iyong pananatili sa aming buhay.



Bantayan mo silang lahat. Pagkaisahin mo sila.



Espiritu Santo, naway makita namin si Kristo sa bawat isa.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKALABINDALAWANG ISTASYON:Namatay si Jesus sa krus





L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Lk 23:44-46



Katahimikan



Pagninilay (Nakaluhod kung kakayanin)



Panginoon, ang kamatayan mo ay isang sakripisyong batbat ng pahirap at sakit.



Namatay ka para sa bawat isa sa amin.



Mapagbigay, mapagkumbaba, ganap at buo ang iyong pagsuko ng sarili.



Ang kamatayan mo ang nagpalaya sa amin sa hirap ng walang hanggang pagkakawalay sa iyo.



Nagdarasal kami para sa mga tao sa mundo, sa aming bansa at sa pamayanan na namatay na o nag-aagaw buhay pa dahil sa corona virus.



Ipinananalangin din namin ang lahat ng kaluluwa ng mga  yumao na, sa pamamagitan ng iyong awa at kabutihan, ay kaugnay mo.



Espiritu Santo, mapahinga nawa sila sa pagkakakilala ng kanilang kahalagahan sa iyo.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…



(Maaari nang tumayo)





IKALABINTATLONG ISTASYON:Si Jesus ay ibinaba mula sa Krus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Jn 19:  38-40



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, ang katawan mo ay ibinaba mula sa krus at naroon ang iyong ina na tumanggap sa iyong wasak at walang buhay na bangkay.



Ang kanyang pighati, dalamhati, at pagkalito ay maaaring kalakip na rin ng takot at galit.



Subalit may pag-asa sa kanyang puso.



Kilala ka niya at mahal ka niya at dahil dito puno siya ng pag-asa.



Hindi niya naunawaang lubos kung ano ang kahulugan ng pag-asang iyon, subalit alam niyang hindi mo iiwanang ang mga minamahal mo na nag-iisa at nalulumbay.



Bilang mga taong balot ng banta ng virus na ito, nagluluksa kami sa mga namamatay.



Kami din ngayon ay nabubuhay sa kalungkutan at pagkalito, sa takot at galit.



Lumalapit kami sa iyong Ina, ang Mahal na Birheng Maria, bilang huwaran ng pag-asa sa harap ng hindi inaasahan at hindi nalalaman.



Bantayan mo kami.



Maria, aming Ina, ipanalangin mo po kami.



Espiritu Santo, tulungan mo kaming makatagpo ng pag-asa sa pinakamadilim na oras ng buhay, dahil alam naming hindi kami pababayaan, lalo na sa sandali ng matinding pangangailangan.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKALABING-APAT NA ISTASYON: Inilibing si Jesus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.


Pagbasa: Mt 27:57-60



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, ang katawan mo ay nahimlay sa puntod na bigay sa iyong Ina para sa iyong libing.



Ito ang sandali ng ganap na pagkakalayo ninyong dalawa.



Ipinagdarasal namin ang mga nasa mundo, bansa, bayan, at pamayanan naming nakaramdam o makakaramdam pa lamang ng pagkakalayo sa minamahal dahil sa virus na ito.



Kailangang lumayo sa kapwa sa larangan ng “social distancing.”



Bumubukod kami sa mga maysakit.



Nananatili kami sa aming tahanan takot na umalis sa lugar kung saan kami ligtas at pinapayuhan kaming maglagi dito. Ang paglayo sa kapwa ay nakakatakot at nakakalumbay, subalit ito din ay isang pinagpalang panahon ng paghilom.



Ipinagdarasal namin ang mga walang ligtas na masisilungan… ang mga palaboy sa lansangan.



Ipinagdarasal namin ang mga tuluyan nang lumayo sa mundong ito dahil sa kamatayan.



Espiritu Santo, gawin mong madama namin ang iyong pananatili sa aming piling.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





IKALABINLIMANG ISTASYON: Nabuhay na muli si Jesus



L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan



B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang sanlibutan.



Pagbasa: Jn 20: 1-10



Katahimikan



Pagninilay



Panginoon, hindi malirip ng sangkatauhan ang ligaya at pagkamanghang ipagkakaloob mo sa amin sa iyong pagkabuhay mula sa kamatayan.



Ikaw ang Diyos ng surpresa!



Hindi namin lubos na maisip kung ano ang inilalaan mo sa mga tao sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon.



Ang pagkabuhay ay ang taluktok ng pag-asa, ang taluktok ng paggaling, ang taluktok ng kaligtasan.



Lumapit nawa kami sa iyo hindi lamang sa panahon ng aming pangangailangan ngayon, kundi sa gitna din ng ligaya ng parating na hinaharap kung mapawi na ang madilim na ulap… Tulungan mo kaming higit na maunawaan hindi lamang ang bawat isa kundi ang paraan ng iyong paggabay, pagmamahal, paghilom at pakikilakbay sa amin bilang aming palagiang kasama sa daan, hindi nang-iiwan at laging nakikinig sa aming mga panalangin at pagsamo.



Ang pagkabuhay mo ay nangungusap ng pag-asa at ng darating pa.



Dalangin ang alay namin ngayon para sa Santo Papa, Pope Francis, ang aming obispo, mga pari, at lingkod-simbahan at lahat ng nakilakbay sa amin sa madilim na landas.



Magkaisa nawa kami sa darating na bukas upang makibahagi sa pagkamangha sa iyong luwalhati, nagniningning sa daan at nagdadala sa amin sa ibayo pa roon.



Bantayan mo po kami.



Espiritu Santo, buhayin mo ang aming pananampalatay at tulungan mo kaming huwag manlupaypay.



Katahimikan



Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…





(salamat kay Maribeth Hopps ng Diocese of Saginaw, https://www.saginaw.org/stations-cross. Buong pusong isinalin ni FRM sa Tagalog/ Filipino.)





Pangwakas



Oratio Imperata para sa Covid-19



Makapangyarihan at mapagmahal na Ama, nagsusumamo kami sa Iyo upang hilingin ang Iyong patnubay laban sa COVID-19 na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay. Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasang tumuklas ng mga lunas at paraan upang ihinto ang paglaganap nito.



Patnubayan Mo ang mga lumilingap sa maysakit upang ang kanilang pagkalinga ay malakipan ng husay at malasakit. Itinataas namin ang mga nagdurusa. Makamtan nawa nila ang mabuting kalusugan. Lingapin Mo rin ang mga kumakalinga sa kanila. Pagkamitin Mo ng kapayapaang walang hanggan ang mga pumanaw na.



Pagkalooban mo kami ng biyaya na magtulong-tulong tungo sa ikabubuti ng lahat. Pukawin sa amin ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan. Nagsusumamo kami na Iyong ihinto na ang paglaganap ng virus at ipag-adya kami sa lahat ng mga takot.



Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, magpasawalang hangan. Amen.



Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na Ina ng Diyos. Pakinggan mo ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan at ipagadya mo kami sa lahat ng kasamaan, maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.



Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo kami.

San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo kami.

 San Roque, ipanalangin mo kami.

San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.

San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.



PAGBABASBAS



Ang Ama ng Awa ay nagkaloob sa atin ng halimbawang di makasariling pag-ibig sa pagpapasakit ng Kanyang bugtong na Anak. Sa paglilingkod natin sa Diyos at kapwa, matanggap nawa natin ang di mabilang na biyaya ngayon at magpasawalang hanggan.



Tugon:  Amen



Naniniwala tayo na sa pagkamatay ni Kristo ay winasak Niya ang kamatayan magpakailanman. Pagkaloob nawa natin ang kanyang halimbawa at makibahagi sa Kanyang Pagkabuhay ngayon at magpasawalang hanggan.



Tugon: Amen



Pagpalain nawa tayo ng makapangyarihang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.



Tugon: Amen

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS