IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA K

 


ANO ANG NAGANAP?

Jn 8:1-11

 

photo: fr tam nguyen
 

 

Isang matandang babae ang gagala-gala sa gabi kaya hinuli ng mga tao, sinaktan at itinali ang leeg, mga braso at binti sa isang puno. Bintang ng mga tao, isa daw itong asuwang. Iyon pala, ang babae ay may depresyon dala ng kamatayan ng kanyang asawa ilang linggo ang nakararaan. Ang nangangatog at nauutal na babae e nakunan ng camera ng isang naawang kapitbahay kaya kumalat ito sa social media.

 

Nasaksihan ni Hesus ang nakasusukang tagpong ganito nang kaladkarin sa harap niya ang isang babaeng nahuli sa pakiki-apid. Nais ng mga taong husgahan niya ito nang masimulan na nila itong batuhin hanggang sa mamatay.

 

Subalit ano ang nangyari sa pagitan ni Hesus at ng mga tao? Hindi pinagbigyan ng Panginoon ang masamang balak ng mga tao. Hindi niya rin pinayapa ang kanilang galit at poot. Nanatili lamang siyang tahimik at nang magsalita, tinumbok niya ang puso ng lahat. “Sige, patayin ninyo siya; lamang, iyong mga walang kasalanan ang may karapatang bumato sa kanya.” Tila walang nakapasa sa panuntunan, kaya isa-isang naglaho ang mga tao.

 

Ano naman ang naganap sa pagitan ni Hesus at ng babae? Hindi na sinabi sa atin ng ebanghelyo. At hindi sasabihin kailanman sa atin ang personal na pag-uusap nilang dalawa. Palagay ko, sa harap ni Hesus, inamin ng babae ang lahat, humingi ng tawad, humingi ng awa, at ng lakas para sa bago at binagong buhay. Dahil wala nang ibang susulingan, lubos siyang nagtiwala sa kaiisa-isang nanatiling kakampi niya sa gitna ng kutya at alimura ng iba.

 

Hindi kaya ito ang unang Kumpisal? Narito kasi lahat ng sangkap ng Kumpisal. Lalapit tayo bilang makasalanang kinokondena ng kapwa o ng ating sariling budhi, at mauupong mag-isa sa piling ni Hesus sa katauhan ng pari. Papawiin ni Hesus ang boses ng mga nanghuhusga upang siya lamang ang ating marinig. Walang galit, poot, panghihiya o pambabastos, kundi pagpapatawad at panghihikayat na muling magsimula: “Hindi rin kita hahatulan! Umuwi ka na at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”

 

Natatakot ka bang mag-Kumpisal? Nahihiya ka bang humarap sa pari? Hindi ba mas kailangan mong humarap sa kanya na ang katarungan ay habag at ang pagpapatawad ay bukal ng buhay at bagong lakas? Kuwaresma na! Magkumpisal ka na, kapatid! Hinihintay ka ng Panginoon!

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS