IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY / PISTA NG DAKILANG HABAG K
Nang magkasakit ang isang kakilala ko, nasindak siya sa maaaring gastusin. Dahil walang masyadong pagkukunan, may dahilan siya upang mag-alala. Subalit ilang buwan matapos simulan ang gamutan, nagulat siya sa mga kamag-anak at kaibigan na patuloy tumutulong. Hindi siya pinabayaan ng Diyos; hindi lang sapat kundi higit pa sa pangangailangan niya ang dumating!
Dapat bang bigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga alagad? Sa totoo lang, kitang kita ang kanilang kaduwagan. Nang ipako ang Panginoon, walang ni isang sumalungat; walang pumigil. Sa halip, nagpulasan lahat! Pero narito si Hesus sa gabi ng Pagkabuhay upang dalawin sila at bahaginan ng kapayapaan, patawan ng kapatawaran.
Hindi tatalikuran ni Hesus ang mga alagad dahil lang sila ay mahina. Hindi niya sila iiwan tulad ng ginawa nila sa kanya. Ang makapangyarihang pagmamahal ng Diyos ang bumuhay sa kanya mula sa libingan; pagmamahal na matindi pa kaysa kamatayan. Kaya daig nito anumang negatibong pwersa sa buhay at mundo natin. Ito ang dahilan at dumating si Hesus hindi para maghiganti kundi para sa kapayapaan, hindi para sa pagpaparusa kundi para sa kapatawaran.
Nang makita niyang natatakot, nalilito at nalulugmok ang mga alagad, hindi maatim ng Panginoon na lisanin at kalimutan ang kanilang pinagsamahan. Tatlong taon din kasi silang tinuruan kaya nais niyang dalhin sila sa pagbubunga at kaganapan. Ang mga mahihinang taong ito ay gagawing sisidlan ng habag, ng awa ng Diyos na ipinakita at ipinangaral niya sa kanila sa pamamagitan ng kanyang buhay.
Sa Muling Pagkabuhay, patuloy ang pamumuhunan ng Diyos sa daigdig. Maging kamatayan ay hindi hahadlang sa mabuting hangarin ng Panginoon. Ang kahinaan ng tao ay hindi makapipigil sa daloy ng pagmamahal at tiwala ng Diyos sa atin. Nais niyang makilakbay sa atin hindi dahil tayo ay malakas, matatag at matagumpay kundi dahil tayo ay bagsak, talunan, at mahina. Ang habag ng Diyos ang ating inspirasyon na muling mabuhay, muling lumaban, at muling magbahagi ng ating sarili sa mga nasa paligid natin.
Sinasabi sa mabuting balita ngayon na hindi lahat ay naisulat tungkol sa Kristong Muling Nabuhay. Bakit? Dahil ang presensya niya ay patuloy nararamdaman, patuloy na ipinapahayag, at patuloy siyang naghihimala… hindi sa mga alagad kundi sa atin mismo ngayon. Tayo ang mga sisidlan ng habag niya ngayon.
Comments